Advertisers
MAARING tumakbo ng 10 hanggang 12 oras ang voting hours para sa 2022 national at local elections mula sa nakasanayan na walong oras lamang.
Ayon kay Commission on Elections (Comelec) Commissioner Antonio Kho Jr., posibleng palawigin ng dalawa hanggang tatlong oras ang botohan para sa 2022 national elections, na idaraos pa rin sa harap ng COVID-19 pandemic.
Subalit depende parin aniya ito sa magiging kapasidad naman ng mga guro na magsisilbi bilang Board of Election Inspectors sa halalan sa susunod na taon.
Pero malabo naman aniya na lumagpas sa isang araw ang botohan, dahil maaring makuwestiyon ang ligalidad nito lalo pa at hindi naman nakasaad sa ilalim ng election laws ang extended voting days.
Sakali mang naisin na palawigin sa higit isang araw ang botohan, sinabi ni Kho na mangangailangan ng bagong batas para rito.
Mula sa 1,000 votes kada presinto noong 2019, sinabi ni Kho na tinitingnan din nila na ibalik sa 2016 level ang voters to precint ratio na 800 voters per precint para mapanatili ang social distancing, pati na rin ang iba pang mga health standards.
Tinitingnan din aniya nila ang posibilidad na makabili ng 10,000 pang mga Vote Counting Machines (VCMs) para sa 2022 elections.
Sa ngayon, aabot sa 97,000 ang VCMs na mayroong ang Comelec, pero ilan sa mga ito ay kailangan na ayusin o i-refubish aniya.
Base sa records ng Comelec, nasa 61 million ang registered voters para sa 2022 polls.
Nauna nang sinabi ni Comelec spokesperson James Jimenez na walang dahilan para ipagpaliban ang 2022 elections kahit pa nahaharap pa rin ang bansa sa banta ng COVID-19 pandemic.