Advertisers
NILINAW ng National Task Force for the West Philippine Sea (NTF-WPS), na bahagi ng teritoryo ng bansa ang Julian Felipe Reef.
Sinabi ni National Security Adviser Secretary Hermogenes Esperon, Jr., na siyang chairperson ng NTF-WPS ang Julian Felipe Reef ay nasa loob ng 12 nautical mile limit mula sa McKennan (Chigua) Reef at Grierson (Sin Cowe East) Reef na kapwa bahagi ng munisipyo ng Kalayaan.
Nasa 175 nautical miles din ang Julian Felipe Reef mula sa Bataraza, Palawan, na sakop ng 200 mile Exclusive Economic Zone ng bansa sa West Philippine Sea.
Matatandaang naging mainit ang usapin ito sa West Philippine Sea matapos na mamataan ang mahigit 200 barko ng Chinese maritime militia sa Julian Felipe Reef noong Marso.
Sa huling maritime patrol ng NTF-WPS, nitong nakalipas na Mayo 9, nasa 34 na barko ng CMM ang namataan sa Julian Felipe Reef na bahagi ng kabuuang 287 na CMM na nakitang nakakalat sa iba’t ibang bahagi ng karagatan ng munisipyo ng Kalayaan sa loob at labas ng EEZ ng bansa.