Advertisers
NAGPOSITIBO sa Covid-19 ang 54 residente nang dumalo sa pool party sa Barangay Nagkaisang Nayon, Quezon City.
Inisyuhan na ng show cause order ang barangay chairman ng Nagkaisang Nayon dahil sa insidente, ayon kay Quezon City Mayor Joy Belmonte.
Sinabi ng alkalde na natuklasan nalang nila na nagkaroon ng pool party nang mayroong nagpositibo sa Covid-19 noong Mayo 11.
“Sa pagka-conduct nila ng interviews sa taumbayan, saka palang nila nalaman na nagkaroon pala ng 3-day fiesta celebration from May 9 to May 11,” aniya.
“Nagkaroon ng improvised pool party. Merong diskuhan, may sayawan, may inuman, may videoke. Kompleto po at walang nagsusuot ng masks.”
Dagdag ni Belmonte, fire truck mismo ng lugar ang naglagay ng tubig sa inflatable pool. Naganap din ang inuman sa covered court.
Base sa report ng City Epidemiology and Disease Surveillance Unit, nasa 610 residente ang na-swab para sa Covid-19 kungsaan 18 ang naghihintay ng resulta. Samantala, nasa 31 ang pinadala sa quarantine facility ng siyudad.
Ni-lock down na ng lokal na pamahalaan ang barangay ng 14 araw. Mananagot ang mga sumali sa pool party dahil sa paglabag sa health protocols, sabi ni Mayor Belmonte.