Advertisers
NAGA City, Camarines Sur – Arestado sa isang entrapment operation ng National Bureau of Investigation (NBI) ang isang abogado na nagpakilalang empleyado ng Optical Media Board (OMB) at miyembro ng isang kilalang law fraternity sa bansa na Aquila Legis.
Ang inaresto ay nakilalang si Atty. Ferdino Condez, diumano’y nangotong sa isang tindahan ng cellphone sa lungsod ng Naga ng mahigit kumulang sa kalahating milyong piso.
Ayon sa report ng NBI sa Naga City, nitong Hunyo 8 (Martes) ng taon, nang magtungo sa kanilang tanggapan ang isang negosyante upang ireklamo ang OMB employee at Aquila Legis member na si Atty. Condez.
May ilan din umanong miyembro ng OMB ang nagtungo sa kanilang tindahan at kinumpiska ang mga memory card at mga naka-display na cellphone.
Nakiusap daw ang negosyante kay Atty. Condez na huwag ipasara ang kanilang tindahan, subalit sinabi ng abogado na magbigay nalang ng P500,000 upang hindi sila maipasara.
Kinabukasan, Miyerkules (Hunyo 9), nagkasundo ang negosyante at si Atty. Condez sa halagang P350,000 upang hindi na maipasara ang tindahan.
Walang kaalam-alam si Condez na nakipag-ugnayan na pala sa NBI ang negosyante.
Noon din ay isinagawa ang entrapment operations sa isang hotel sa Naga City at matapos mag-abutan ng pera, inaresto ng NBI si Atty. Condez.
Agad siyang isinailalim sa inquest proceedings at nahaharap sa kasong Robbery/Extortion at kasong paglabag sa Republic Act 3019 o Anti-Graft and Corrupt Practices Act.
Nasa kustodiya na ng NBI Naga ang naarestong suspek.
Ang Aquila Legis fraternity na kinabibilangan ni Condez ay kinabibilangan din ng ilang matataas na opisyal ng pamahalaan sa kasalukuyan kabilang na sina Cabinet Secretary Karlo Nograles, Senador Francis Tolentino at Solicitor General Jose Calida.