Advertisers
SINABI ng OCTA Research Group na suportado nila ang pagpapaluwag pa ng quarantine restrictions sa National Capital Region (NCR), kasunod narin ng pagbaba pa ng naitatalang Covid-19 cases dito.
Ang pahayag ay ginawa ng isang eksperto mula sa independent research group matapos ang pahayag ng Malacañang na maaaring isailalim na sa regular na general community quarantine (GCQ) status ang Metro Manila, gayundin ang mga lalawigan ng Bulacan, Cavite, Laguna, at Rizal o NCR Plus areas ngayong linggo dahil narin sa pagbaba ng Covid-19 cases.
“Sinu-support natin yan because at this time, gumaganda naman ang situation sa NCR,” ayon kay Dr. Guido David ng OCTA Research sa isang panayam.
Sinabi ni David na ang NCR ay nakakapag-contribute na lamang ngayon ng 27% Covid-19 cases sa daily tally ng bansa, mula sa dating 97% noong sa pagitan ng Marso 29 at Abril 4.
Ang virus reproduction rate o bilang ng mga taong apektado o maaaring mahawa ng virus ng pasyente sa Metro Manila ay nasa 0.72 na lamang habang ang positivity rate ay bumaba ng 8%.
Samantala, ang hospitalization rate ay nasa “safe level” narin ngayon sa 40%.
Maaari naring sumugal na magbukas pa ng ibang negosyo lalo na at wala namang nakikitang nagkakaroon ng community transmission sa businesses.
Binigyang-diin niya na ang dapat na iwasan ay ang pagkakaroon ng malakihang pagtitipon.
Ang NCR Plus areas, na unang isinailalim sa pinakamahigpit na enhanced community quarantine (ECQ) noong Marso dahil sa surge ng COVID-19 cases, ay nasa ilalim na ngayon ng ‘GCQ with additional restrictions’ hanggang Hunyo 15.
Inaasahan namang mag-aanunsiyo na si Pangulong Rodrigo Duterte ng susunod na magiging quarantine restrictions sa naturang mga lugar sa mga susunod na araw.
Samantala, iniulat din ni David na humuhusay narin ang Covid-19 situation sa Davao City at Cagayan de Oro City. (Andi Garcia)