Advertisers
TULUYANG sinibak ni PNP Chief, General Guillermo Eleazar, sa serbisyo ang dalawang pulis na sangkot sa pagpatay sa kapwa pulis sa Quezon City.
Ito’y matapos na pirmahan ni Eleazar ang ‘dismissal order’ laban kina Corporal Sherwin Rebot at Cpl. Harold Mendoza na napatunayang ‘guilty’ sa kasong ‘Grave Misconduct’.
Guilty si Rebot sa paglabag sa Presidential Decree 1829 (Obstruction of Justice), Simple Irregularity in the Performance of Duty (loafing), Less Grave Neglect of Duty (drinking while on duty) at Conduct Unbecoming of a Police Officer.
Habang si Mendoza ay ‘guilty’ sa mga kasong Less Grave Neglect of Duty (umiinom ng alak habang naka-duty), Simple Irregularity in the Performance of Duty (loafing), at Conduct Unbecoming of a Police Officer.
Sangkot sina Rebot at Mendoza sa pagpatay kay Cpl Higinio Wayan habang nag-iinuman.
Sa inisyal na imbestigasyon, nag-iinuman ang tatlong pulis nang kunin ni Wayan ang baril ni Rebot at binaril nito ang sarili.
Natutulog umano si Mendoza nang mangyari ang krimen habang nasa palikuran si Rebot.
Sa pagsisiyat ng mga otoridad, inamin ni Lorenzo Lapay, driver at kainuman ng biktima, at 2 salarin na binaril ni Rebot si Wayan nang magtalo ang mga ito.
Lumabas na hindi nagpaputok ng baril si Wayan batay sa ginawang paraffin test at nagnegatibo sa gunpowder nitrate ang biktima.
Ayon kay Eleazar, “Ang pagkakasibak sa serbisyo ng dalawang pulis na ito ay patunay na papanagutin natin ang sinumang pulis na lumabag sa batas.”
“May this serve as a warning to all police officers that I will not let this kind of incident pass. Dahil lang sa pagsuway sa patakaran na bawal uminom habang naka-duty, humantong ito sa pagpatay ng inyong kabaro,” saad ni Eleazar.
Nahaharap si Rebot sa kasong murder at illegal possession of firearms and ammunition, habang si Mendoza ay nahaharap sa kasong murder by conspiracy at obstruction of justice.
(Mark Obleada)