Advertisers

Advertisers

Matinding tensyon sumiklab sa demolisyon sa Tondo

0 477

Advertisers

Nagkaroon ng matinding tensiyon nang bakuran ng demolition team ang tirahan ng may 50 pamilya sa isang compound sa Tondo, Maynila nitong Biyernes ng umaga.

Sa ulat, bitbit ni Maynila Sheriff IV Rogelio G. Jundarino ng Manila RTC Branch 17 ang ‘final notice to vacate’ sa isang compound sa Jose Abad Santos Avenue na sakop ng Barangay 203, Zone 18, District, makalipas ang 10 araw na palugit na hiniling ng mga nasabing residente.

Nabigla ang mga residente sa nasabing lugar nang palagyan ni Sheriff Jundarino ng harang na yero ang apat na pinto kahit na may ilang taong nasa loob nito kabilang ang mga bata at aso.



Nagpasaklolo naman ang mga apektadong residente sa tanggapan ni Congressman Rolan ‘CRV’ Valeriano.

At ilang saglit lang napasugod na si Dist. 11 Rep. Valeriano, kasama sina Counilor Macky Lacson at Councilor Awi Sia para pakiusapan ang sheriff na huwag munang ituloy ang bantang demolisyon at isaalang-alang ang kasalukuyang sitwasyon ng bansa lalo’t panahon ng pandemya.

Iginiit nila Valeriano, na napag-alam nila na walang malinaw na dokumento at peke ang ipinapakitang “notice to vacate” ng sheriff.

At maging si Sheriff Jundarino, ‘di niya sigurado kung peke o orihinal ang kanyang dalang mga papeles at ikinatwiran nitong nagtratrbaho lamang siya.

Ganoon din ang naging tugon nila Valeriano na ginagawa lamang nila ang kanilang tungkulin para sa kanilang mga nasasakupan at nais nila bigyan ang mga ito ng proteksyon lalo na panahon ng pandemya.



Anila, hindi sila sumasalungat sa batas o hinaharangan ang pagpapatupad nito. Ang nais lamang nila gawin ang tamang proseso at maaari silang maggiba anumang oras.

Matatandaan din na hiniling ni PCUP Chairman/CEO, Usec. Alvin S. Feliciano sa DILG na marapat lamang na ipairal ang pagpapaliban ang mga demolisyon hangga’t wala pang naitayong mga bahay na mapaglilipatan para sa ganap na pagbibigay proteksiyon sa mamamayan laban sa Covid-19.

Ganito rin ang pakiusap ni Valeriano sa mga magdedemolis.

Tahasan sinabi ni Valeriano na wala pang sapat na pondo ang Pamahalang lungsod ng Maynila para sa relocation ng mga denidimolis dahil sa panahon ito inuunang masolusyunan ang nakamamatay na sakit na Covid-19.

Nagmatigas naman si Sheriff Jundarino sa pagbabakod kaya minabuti ni Valeriano na ipaalis naman ang ibinakod at hiniling na kasuhan na lamang sila ng may-ari ng nasabing gusali.

Binuweltahan ni Valeriano ang grupo ng demolition team at tinanong kung bakunado na ba ang mga ito o napagpa-swab test ba muna bago magpunta sa nasabing lugar dahil ‘covid free’ ang Brgy. 203 at natatakot na baka ang mga ito pa ang magdala ng virus sa naturang lugar.

Nabatid pa kay Kon. Lacson na nakahain na sa Konseho ng Maynila ang isang ordinansa na walang mangyayaring demolisyon sa lungsod ng Maynila sa panahon ng pandemya.