Advertisers
PINAPURIHAN ni Philippine National Police (PNP) Chief, General Guillermo Lorenzo T Eleazar, ang pulis na nagbalik ng bag sa mag-asawang aeta na naglalaman ng P80,000 cash sa Capas, Tarlac.
Ang pera ay kinita ng mag-asawang Bernadet at Mateo Balintay sa pagtitinda ng mga usbong ng saging sa nakalipas na 12 taon. Subali’t nawala ang bag nang makatulog si Bernadet habang naghihintay magbukas ang palengke na nasa likod lang ng istasyon ng Pulis.
Sinubukan hanapin ng mag-asawa ang nawawalang bag subali’t hindi nila ito makita. Hanggang sa matagpuan iyon ni Police Staff Sergeant Bernard Dalisay.
Inakala ni Dalisay na basura ang laman ng bag noong una, pero nang kaniyang usisain, naglalaman pala ito ng pera. Sinubukang hanapin ng pulis sa palengke ang may-ari ng bag pero walang umaangkin.
Dinala ni Dalisay ang bag sa istasyon ng pulis, doon ay nakita ng kaniyang mga kasama ang identification card ni Mateo sa loob ng bag kung saan nakasulat ang kaniyang address, kaya’t nagtungo ito sa bahay ng mag-asawa pero wala ang mag-asawa nang mga oras na iyon.
Nagtungo si Dalisay sa opisina ng Mayor, kungsaan ipinatawag ang mag-asawa. Doon na nagkita ang pulis at mga Balintay kaya’t naibalik sa kanila ang bag at ang laman nitong pera.
Ayon kay Eleazar, pinili ni Dalisay na maging tapat sa kabila ng nararanasang krisis na lubhang nakakaapekto sa kabuhayan ng marami.
Sinabi ni Eleazar na nakatataba ng puso dahil ang pulis na ito, piniling maging tapat sa kanyang tungkulin at hindi nagpasilaw sa halaga ng pera na kanyang napulot.(Mark Obleada)