Advertisers
SINIGURADO ng Department of Health (DOH) na masusi na nilang iniimbestigahan ang viral video ng isang ginang na nagpapabakuna laban sa COVID-19 ngunit hindi naman napindot ng health worker ang heringgilya na itinurok sa kanya, sanhi upang hindi rin maibigay ang bakuna na nakalagay dito.
Ayon sa DOH, ito ay malinaw na ‘breach of protocol’ at sinigurong nakikipag-ugnayan na sila sa lokal na pamahalaan sa isinasagawang imbestigasyon sa pangyayari.
“The DOH is aware of the circulating video of a prospective vaccine recipient who failed to receive a proper dose of COVID-19 vaccine. This is a clear breach of vaccination protocol,” anito sa isang pahayag.
Sa naturang viral video, na sinasabing nangyari sa isang vaccination site sa Makati City, makikitang itinusok ng health worker sa ‘vaccine recipient’ ang heringgilya ngunit binunot agad ito nang hindi pa napipindot kaya’t hindi rin siya nabigyan ng bakuna.
Paglilinaw naman ng DOH, kaagad na inimpormahan ng nag-video ang namamahala sa vaccination site sa nangyari at kaagad din nilang naaksyunan ito.
Matagumpay din anila na nabakunahan ang ginang habang humingi naman ng paumanhin ang healthworker.
“Sinisigurado po namin na ating iimbestigahan ang pangyayaring ito upang mapabuti ang ating national vaccination program. Sa pagdating ng mas maraming bakuna sa bansa, we will continue to improve our speed, scale, and quality of service,” ayon naman kay Health Secretary Francisco Duque III. (Andi Garcia/Jonah Mallari/Jocelyn Domenden)