P9-B natira sa Bayanihan 2 hindi na magagamit
Paano yung nabigyan ng reference number pero walang nakuha?
Advertisers
AABOT sa P9 billion na pondong nakalaan sana sa pagtugon ng pamahalaan laban sa epekto ng COVID-19 ang tuluyan nang hindi magagamit matapos na magpaso ito nitong Hunyo 30, 2021.
Bagama’t hindi ito tuluyang masasayang, obligado naman ang gobyerno na ibalik ang naturang salapi sa national treasury.
Una nang iminungkahi ng ilang opisyal na palawigin na lang sana ang bisa ng Bayanihan 2 hanggang Disyembre 31, 2021.
Pero malabo namang makapagpasa ng agarang batas ang Kongreso dahil naka-break pa ang sesyon hanggang sa araw ng State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Hulyo 26, 2021.
Isinisi naman ng ilang kongresista sa kabagalan ng mga ahensya ng gobyerno na maipatupad sa tamang panahon ang mga programang nakapaloob sa Bayanihan 2.
Kabilang sa maaapektuhan ng expiration ng batas, ang pagpapatuloy ng recovery at stimulus programs, service contracting at free rides sa ilang bahagi ng ating bansa. (Josephine Patricio)