Advertisers
ARESTADO ang isang da-ting pulis na nagpakilalang Colonel at anim iba pa sa pangongotong sa vice mayor ng Talisay, Batangas sa entrapment operation sa Quezon City.
Kinilala ang mga nadakip na sina dating Patrolman Joaquin G. Flores; Domingo C. Corpuz; Renz Z. Manago; Elton L. Lopez; Gabriel L. Momjuan; Armando C. Silao; at Ocito Cerilo Delmonte.
Ayon kay Brig. General Thomas R. Frias, Jr., direktor ng Integrity Monitoring and Enforcement Group (IMEG), 12:50 ng tanghali nang isinagawa ang entrapment operation sa Talisay Cafe sa Maginhawa St., Teachers Village, Quezon City.
Isinagawa ang operasyon nang humingi ng tulong at magreklamo si Talisay, Batangas Vice Mayor Charlie Natanauan nang magpakilala ang suspek na isang Col. Joaquin Flores at mga kasama na humihingi ng P380,000.00 para sa agarang paglalabas ng resolution ng kaso nito sa Ombudsman.
Nilinaw naman ni Ombudsman Security Consultant retired Police Brig. General Nelson Yabut sa IMEG na walang kasong isinampa laban kay Natanauan at walang kaugnayan ang mga suspek sa Office of the Ombudsman.
Inaresto ang mga suspek nang tanggapin ni Flores ang P300,000 mula kay Natanauan sa entrapment operation.
Narekober sa suspek ang 2 piraso ng P1,000 at P300, 000 boodle money; caliber .45 pistol; Glock caliber 40; cellphones; 2 unit ng radio; at 5 IDs.
Sumasailalim sa imbestigasyon ang mga suspek at mahaharap ng kasong ‘Usurpation of Authority’, Swindling, at illegal possession of firearms.
Inaalam pa ng mga otoridad kung mayroon iba pang nabiktima ang grupo.
Nanawagan si Frias sa publiko na i-report ang mga abusadong pulis sa pamamagitan ng kanilang PNP-IMEG hotlines: SMART – 09989702286 or GLOBE- 09957952569. Gayon din sa Facebook Page: Integrity Monitoring and Enforcement Group.(Mark Obleada)