Advertisers
INAALAM na ng Department of Health (DOH) ang ulat na may mga bakuna laban sa COVID-19 na dinala sa bahay ng isang pulitiko sa Samar.
Ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, sa ngayon ay wala pang isinusumiteng ulat sa DOH ang mga lokal na health authorities sa Samar hinggil sa insidente kaya’t hindi aniya niya masabi sa ngayon kung totoo ito o hindi.
“We are trying to verify these reports. Hindi ko pa po masabi kung ito ay totoo o hindi. Kailangan pa rin po namin ma-receive ang official report so that we can act on it,” ayon kay Vergeire, sa isang pulong balitaan.
Sa kabila naman nito, nanawagan si Vergeire sa mga lokal na opisyal na makipagtulungan sa national government sa vaccine rollout.
“Iwasan po nating magkaroon ng ganitong pagkakataon dahil nawawalan po ng tiwala ang ating mga kababayan kapag may ganitong mga reports,” sabi pa nito. (Andi Garcia)