MAHALAGANG PAPEL GAGAMPANAN NG CSOs SA HALALAN 2022
Mga pasyenteng may Covid-19 boboto sa isolation polling place
Advertisers
ANG paghihigpit sa paghahain ng kandidatura, pangangampanya, pati na ang bilang ng mga botanteng papayagang pumasok sa loob ng presinto para bumoto ay ilan lamang sa mga limitasyong ipatutupad ng Commission on Election (Comelec) sa kanilang inilabas na panuntunan kaugnay sa “new normal” na pamamaraan sa gaganaping pambansang halalan sa susunod na taon.
Bunga ng inilatag na paghihigpit, itinutulak ng Comelec ang paglahok ng civil society organizations (CSOs) sa pangangampanya sa halalan partikular sa mga lugar na kinakailangan ang kaalaman ng mga botante upang maipaabot kaagad ang mahalagang impormasyon na kailangan nilang malaman.
Ito ngayon ang isyung nais harapin ng House Committee on People’s Participation na pinamumunuan ni Rep. Florida “Rida” Robes sa isinagawang online forum na may titulong “Imagining the 2022 National Electios: The Many Ways the Covid-19 Pandemic Can Impact on the Electoral Process”.
Sinabi ni Robes na inorganisa niya ang pagtitipon upang itaas ang kamalayan kung paanong ang pandemyang dulot ng Covid-19 ay makapagpapabago sa paglahok ng publiko sa halalang 2022.
Pinapurihan naman ni House Speaker Lord Allan Velasco ang naturang forum sa pagsasabing ito’y napapanahon upang timbangin ang panawagan ng publiko para sa malaya at demokratikong halalan at ang pangangailangang maging ligtas ang lahat sa panahon ng krisis.
Kabilang naman sa mga lumahok sa forum sina dating Commissioner Luie Tito Guia, Comelec Spokespeson James Jimenez at Malou Tuquia ng Publicus Asia Inc.
Sinabi ni Jimenez na dahil sa resulta ng pandemya, lilimitahan lamang sa limang botante mula sa dating sampu ang papayagang makapasok sa loob ng presinto para bumoto, maliban sa tatlong miyembro ng board of election at isang watcher.
Bunga ng paglilimita sa bilang ng mga taong papayagang pumasok sa presinto para bumoto, palalawigin ng Comelec ang oras ng botohan mula 6:00 ng umaga – 6:00 ng gabi sa Mayo 9, 2022.
Pahihintulutan din makaboto ang may mga sintomas ng Covid-19 bagama’t sa bukod na isolation polling place sila boboto bilang bahagi ng pag-iingat sa ipinatutupad na panuntunan kaugnay sa kalusugan at kaligtasan.
Hihigpitan din, aniya, ang campaign rallies, maramihang pagtitipon, na may kaugnayan sa halalan, pati na sa canvassing, bilang hakbang sa pagpapatupad ng kaligtasang pang-kalusugan.
Sinabi naman ni Guia na ang kanyang grupong Lawyers League for Liberty of Libertas ay kasama rin sa patuturo sa mga botante, pati na sa reporma sa pagdaraos ng halalan at pagmo-monitor sa panahon ng halalan.
Sa panig naman ni Tiquia, sinabi niya na dahil sa Covid-19, ginawa ng digital ng marami ang paraan ng pangangampanya kungsaan mahalaga rin ang magiging papel ng CSOs. Ipinunto niya na maaaring bumuo ang CSOs ng maayos na relasyon sa mga botante sa pamamagitan ng relational database sa social media.