Advertisers
KINATIGAN ng isang grupo ng mga nurse sa bansa ang naging patutsada ni Manila Mayor Isko Moreno sa ilang pulitiko na nag-iikot na bilang paghahanda sa May 2022 election gayong may malaki pang problema sa COVID 19 pandemic at malayo pa ang eleksyon.
Ayon sa Ang Nars Partylist group, dapat unahin ng mga pulitiko ang nangyayari ngayon lalo at matagal pa naman ang eleksyon.
“Kalusugan ng tao muna bago ang eleksyon. Concentrate muna sa lahat ng paraan para maayos ang COVID 19 response. Dapat tao muna bago ang sarili,” pahayag ni dating Ang Nars Partylist Representative Leah Paquiz.
Si Moreno ay una nang nagpatutsada sa mga pulitiko na abala sa pag-iikot. Aniya, obligasyon ng mga mayor na manatili sa kanilang siyudad. Kailangang kailangan aniya ng taumbayan ang mayor nila na dapat nasa lungsod at hindi nag-iikot-ikot sa kung kani-kaninong pulitiko o partido.
Bagama’t hindi partikular na tinukoy ni Moreno si Mayor Sara Duterte, malinaw na pasaring ito sa alkalde na kamakailan lamang ay bumisita kay Cebu Governor Gwen Garcia, sinundan ng pakikipagpulong kay dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo bilang bahagi umano ng “continuing consultations” kung saan kasama dito si Davao Occidental Governor Claude Bautista ng ‘Hugpong ng Pagbabago’, ang regional party na binuo ni Mayor Sara.
Kamakailan ay bumisita rin si Mayor Sara sa Zamboaga City para kamustahin ang mga sugatang sundalo mula sa bumagsak na C-130 at pumirma ng sisterhood agreement ng Davao at Zamboanga City sa pagitan ni Zamboanga Mayor Maria Isabelle Climaco.
Sa pinakahuling OCTA Research List nitong July 12, nangunguna parin ang Davao City sa Local Government Units sa labas ng National Capital Region na may pinakamataas na COVID-19 cases, lumitaw na 235 kada araw ang naitatalang kaso sa Davao habang umabot na sa 91% ang hospital Intensive care unit utilization rate.
Kumpara sa Davao ay pababa na ang kaso sa ilang lalawigan. Batay sa talaan ng Department of Health at OCTA Research ay nasa 110 ang kaso sa Iloilo, Bacolod (84), Cebu City (81), Cagayan de Oro (68), General Santos(67), Baguio City(58) Tagum(44), Lapu Lapu (39) at NCR (639).
Simula buwan ng Mayo lumobo ang COVID cases sa Davao at noong Hunyo 17 ay naitala ang pinakamalaking COVID infection na nasa 482 sa loob ng isang araw, naungusan pa nito ang Quezon City na mas malaki ang populasyon.