Advertisers
BUNSOD ng panibagong kaso ng variant umapela si Department of the Interior and Local Government (DILG) Undersecretary Epimaco Densing sa mga politiko at mga party members na huwag na munang magdaos ng mga pagpupulong sa ngayon dahil na rin sa banta ng mas nakahahawang Delta variant ng COVID-19 sa bansa.
Nabatid sa Laging Handa press briefing, sinabi ni Densing na nakatanggap sila ng mga ulat na nagkakaroon na ng mga pagpupulong ang mga politiko sa ngayon bilang paghahanda sa halalan sa 2022.
Kaugnay nito umaasa naman siya na magdadalawang-isip ang mga ito at huwag munang magpulong dahil mass gatherings din aniya ito at maaaring maging superspreader events.
Samantala sinabi pa ng opisyal na nakatanggap sila ng report na nagma-mass gathering o nagsisimula na po yung mga pa-meeting ng mga pulitiko.
“Sana po yung ating mga pulitiko, magdalawang isip muna at wag muna ituloy itong mga pa-meeting nila dahil mass gathering din po ito,” ayon kay Densing.
Sinabi pa ng opisyal na may posibilidad na ito’y maging superspreader lalo na’t kung merong COVID-19 sa kanilang lugar. (Boy Celario)