Advertisers

Advertisers

‘PAGPUNA NI YORME KAY SARA DALHIN SA COMELEC’

0 239

Advertisers

PARA sa political analyst na si Mon Casiple, walang mangyayari sa pagpuna ni Manila Mayor “Yorme” Isko Moreno kay Davao City Mayor Sara Duterte sa ginagawa nitong pag-iikot sa mga lalawigan gayundin ang pag-aakusa ng ilang kritiko na early campaigning laban sa presidential daughter hangga’t walang inihahaing reklamo sa Commission on Elections (Comelec).

Ayon kay Casiple, madaling makalulusot sa alegasyong early campaigning lalo at election season na, payo nito, kung nais na mapigilan ang ganitong isyu ay mainam na maghain ng reklamo sa Comelec upang ito ay maaksyunan.

“Kung walang gagawin at walang reklamo sa Comelec o sa DILG, masasabi nating wala ring silbi ang ganitong mga pagpuna ni Mayor Isko at ng mga kritiko,” paliwanag ni Casiple.



Matatandaan na nagpasaring si Mayor Isko sa mga pulitiko na nag-iikot sa mga lalawigan na kailangang-kailangan ang kanilang presensya sa kanilang mga siyudad para tututukan ang COVID-19 response lalo at hindi pa naman panahon ng eleksyon.

Si Mayor Sara ay nakatanggap ng mga pagbabatikos dahil sa timing ng kanyang pagbisita kamakailan sa Cebu at Zamboanga City gayundin ang pakikipagpulong niya kay dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo sa kabila ng nangunguna parin ang Davao City sa mga lalawigan sa labas ng National Capital Region (NCR) na may mataas na COVID-19 cases.

Nagbigay din ng payo si Casiple sa mga nag-iikot na pulitiko na sila ang magtiyak na kanilang sinusunod ang itinatakdang health protocols para narin sa kaligtasan ng mga botante.

Ang payo ay ginawa ni Casiple kasunod ng lumabas na report na nahirapan si Mayor Sara na lumabas matapos ang kanyang pagpupulong kay Zamboanga City Mayor Beng Climaco sa Zamboanga City dahil sa dami ng tao na naghihintay sa kanya na nagnanais na magpalitrato kasama ito.

“May guidelines ang IATF sa pag-conduct ng campaign, madaling sabihin na sinusunod ito kaya ang concern ng lahat ay ang mga pulitiko ang siyang dumistansya. Malaki ang roles ng mga pulitiko para hindi kumalat pa ang COVID sa panahon ng eleksyon,” pahayag ni Casiple.



Iminungkahi pa ng UP professor na ang mga pulitiko ang dapat pangunahing bantayan sa pagsunod ng health protocols at kasuhan ang mga hindi susunod.