Advertisers
NAKAPAGTALA pa ang Department of Health (DOH) ng karagdagang 55 bagong kaso ng mas nakahahawang Delta variant ng COVID-19 sa bansa, sanhi upang umabot na ang kabuuang bilang nito sa 119.
Batay sa ulat ng DOH, University of the Philippines – Philippine Genome Center (UP-PGC), at ng University of the Philippines – National Institutes of Health (UP-NIH) nitong Linggo ng hapon, nabatid na bukod sa naturang mga bagong Delta (B.1.617.2) variant cases, nakapagtala rin sila ng 94 pang Alpha (B.1.1.7) variant cases, 179 na Beta (B.1.351) variant cases, at siyam na P.3 variant cases sa huling batch ng whole genome sequencing na kanilang isinagawa.
Ayon sa DOH, sa 55 bagong Delta variant cases, 37 ang local cases, 17 ang Returning Overseas Filipino (ROFs), at isa ang kasalukuyan pang biniberipika kung local o ROF case.
Sa 37 namang local cases, 14 ang mula sa CALABARZON, walo ang mula sa Northern Mindanao, anim ang may address sa National Capital Region (NCR), anim mula sa Central Luzon, dalawa mula sa Davao Region, at isa mula sa Ilocos Region.
Isa sa mga ito ang sinawimpalad na bawian ng buhay habang 54 kaso pa ang nakarekober na.
Samantala, sa 94 karagdagang Alpha variant cases naman, 87 ang local cases, isa ang ROF, at anim ang biniberipika pa kung local o ROF cases.
Base sa case line list, isa sa mga ito ang nananatili pang aktibong kaso, dalawa ang namatay at 91 kaso ang nakarekober na.
Sa kabuuan, mayroon nang 1,775 total Alpha variant cases sa bansa.
Samantala, sa karagdagan namang 179 bagong Beta variant cases, nabatid na 168 ang local cases, apat ang ROFs, at pitong kaso ang biniberipika pa kung lokal na kaso o ROF. (Andi Garcia)