Advertisers

Advertisers

IRIGA CITY MAYOR SABIT SA ‘SAP SCAM’

0 2,564

Advertisers

SINAMPAHAN ng Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) ng kasong kriminal at administratibo sa Office of the Ombudsman ang Iriga City mayor, Madelaine Y. Alfelor, sa paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act at sa Bayanihan to Heal as One Act (Bayanihan 1) dahil sa iligal na pamamahagi ng ayuda sa Social Amelioration Program (SAP) sa mga ‘di kwalipikadong beneficiaries.

Kabilang sa mga iregularidad sa pamamahagi ng SAP grants ni Alfelor ay ang pagbigay niya ng tig-P5,000 cash SAP grants sa mga empleyado ng University of Northeastern Philippines (UNEP) na diumano ay pag-aari ng kanyang pamilya.

Gayundin ang pamamahagi ng cash grants ng alkalde sa mga kaibigan at kamag-anak na napatunayang mga maykaya, hindi mga kapos-palad na nararapat makatanggap ng ayuda dahil sa matinding tama sa kabuhayan nila ng pandemya.



Sa pagdinig noong nakalipas na taon ng House committee on good government, inamin mismo nina Dory Carag, Criste Olaso Reynes at Deocyl Monte Maninang na mismong si Mayor Alfelor ang nagbigay sa kanila ng SAP grant, at sinabihan pa ang isa sa kanila na isikreto lang ang pag-abot sa kanila ni Mayor ng ayuda.

Sa nasabing pagdinig, napag-alaman din na sina Marcela Alfelor, Irenea Badiola and Juanita Esplana ay nakatanggap din ng SAP ayuda na tig-P5,000 gayong hindi sila nakatira sa Iriga City.

Si Sta. Elena Punong Barangay Rodolfo Pungtan naman ay sumulat pa mismo kay Pangulong Rody Duterte para ireklamo ang pagtanggal ni Alfelor ng barangay officials sa listahan ng mga mamahagi ng Social Amelioration Cards (SACs) dahil katunggali ang mga ito ng alkalde sa pulitika. Kailangan ang SACs para makakuha ng SAP ayuda.

Ang kasong ito ng PNP-CIDG sa ayuda scam ay isa lamang sa patong-patong na kasong isinampa laban kay Mayor Alfelor at iba pang kasamahan nito. Sa kabuuan ay may 16 kasong administratibo, kriminal at sibil si Alfelor na nakasampa ngayon sa Ombudsman at Regional Trial Court (RTC)-Iriga.

Sa kabila ng kasong ito at 15 pang reklamong kriminal at administratibo na kinakaharap ni Alfelor, nagtataka ang mga taga-Camarines Sur kung bakit hanggang ngayon ay hindi parin nasususpinde ang alkalde, lalo pa nga’t mismong ang Pangulong Duterte na ang nagpahayag na ayaw nya ng anomang kurapsyon sa pamamahagi ng SAP.



Sinabi pa ni Pangulong Duterte na nararapat lang na suspindehin ang mga opisyales na masangkot sa ayuda scam habang iniimbestiga ang mga kaso laban sa kanila.

Bukod sa reklamo ng PNP-CIDG, may administrative complaint din laban kay Alfelor kaugnay ng pag-utang nito ng P275 milyon sa Land Bank of the Philippines (Landbank) para magpagawa ng isang magarbo na amusement park sa panahon ng pandemya gayong wala namang makikinabang dito dahil mahigpit na ipinagbabawal ang pamamasyal bunga ng Covid-19.

Si Alfelor ay nahaharap din sa magkahiwalay na kasong malversation at graft dahil sa ‘unliquidated cash advances’ na P32.84 milyon at P27.89 milyon; sa pagbili ng seedlings na nagkakahalagang P13.51 milyon na hindi dumaan sa public bidding, at sa ‘undocumented procurement transactions’ nito na umabot sa P17.25 milyon.

Dagdag pa sa mga kaso ni Alfelor ay ang ‘malversation at graft case’ na isinampa sa kaniya dahil sa pagbibigay ng scholarship fund sa halagang P2.78 milyon para lamang sa nag-iisang benipisyaryo; ang P14.19 milyon na mga unsupported/undocumented cash advances na napunta sa mga contractor; at pagpirma nito sa isang memorandum of agreement (MOA) kungsaan isinangkalan niya ang pamahalaang lungsod ng Iriga na magbayad ng P800,000 participation fee at P50,000 bond sa isang national basketball league na walang pahintulot ng Sangguniang Panglungsod.

Nabisto rin ang hindi niya pagbigay ng karampatang bahagi ng barangay San Antonio at barangay La Medalla sa real property tax collection ng lungsod at pag-appoint nito sa mga di-kwalipikadong empleyado ng pamahalaang panglungsod kaya’t lalo pang nadagdagan ang mga patong-patong niyang kaso sa Ombudsman.

Bukas ang pahayagang ito sa maging sagot ni Mayor Alfelor sa mga isyung ito.