Advertisers
KAMING mga PNP Total Permanent Physical Disability (TPPD) at Death Survivor pensioners na tumatanggap ng maliit na benepisyo mula sa Napolcom ayon sa itinakda ng batas, PD 1184 ay nanawagan sa ating Pangulong Rodrigo Duterte ukol sa pagpapatigil ng Napolcom sa tinatanggap naming benepisyo na mula’t mula pa ang Napolcom ang nagbibigay, at sa di namin pagtanggap agad ng pension tinatanggap sana namin sa PNP.
Nagsimula po ito nuong January 2020, 19 buwan na ang nakalipas hanggang ngayon, July 2021. Kaming mga TPPD pensioners ang mga nabalda (PWD) habang nasa serbisyo pa lang; halos lahat sa amin ay naka-wheelchair o hindi na makakilos na walang tulong sa kapamilya. Ang maliit na tinatanggap namin sa Napolcom ay pang-maintenance medicine namin sa aming karamdaman.
Ang mga Survivor pensioners naman ay asawa ng mga pulis na namatay habang nasa serbisyo, tulad ng mga byuda ng SAF 44. May mga byuda kasapi namin sa PNP TPPD and SURVIVOR GROUP na maliliit pa ang mga anak at tanging yung maliit na benepisyo na nagmumula sa Napolcom ang nakakatulong sa kanilang pang-araw-araw na pangangailangan.
Ayon sa Commission on Audit (COA) at Department of Budget Management (DBM), double compensation daw ang aming tinatanggap na benipisyo mula sa Napolcom sa kadahilanang may tinatanggap kaming regular pension mula sa Philippine National Police kung saan kami ay nag-serbisyo ng maraming taon. Ito ay naman ay naka sandig sa mga batas na RA 6975 at RA 8551, na parehong gumaganang batas at hindi pa na-amyendahan o napalitan ng bagong batas.
Magkaiba ang layunin ng tinatanggap ng TPPD at Death Survivor pensioners sa Napolcom na additional benefits lamang, 5 taon para sa survivor at pang habang buhay sa TPPD na malinaw na nakasaad sa PD 1184. Ang tinatanggap naman ng TPPDs at Death Survivors sa Philippine National Police ay ang regular na pension nila, parehong pang- habang buhay sa TPPD at sa survivor na hindi na pwedeng ilipat pag sila ay pumanaw na, ayon sa RA 6975 at RA 8551.
Ang Department of Justice ay naglabas ng Legal Opinion No. 11, nuong March 29, 2021 na nagsasabi na ito daw ay double compensation. Nakasaad din sa Legal Opinion na tanging Napolcom lamang ang dapat magbigay ng pension sa TPPDs at Survivors at yung Napolcom benefits ng TPPDs at Survivors ay tuluyan ng aalisin.
May sinasandigang batas ang aming tinatanggap na kapirasong benepisyo mula sa Napolcom, ang Presidential Decree 1184, 1977 at hindi pa ito na amyendahan o napalitan. Nakasaad naman sa RA 6975 at RA 8551 na kaming mga TPPD at Survivor pensioners ay dapat PNP ang mangasiwa ng aming pension.
Kelan pa po ba naging mas mataas ang isang Legal Opinion ng Department of Justice sa isang Gumaganang Batas?
Nag-file kami ng Motion for Reconsideration nuong Mayo 2021 sa DOJ bilang direktang apektado ng nasabing DOJ Opinion. Sinagot kami ng DOJ noong June 28, 2021 na hindi nila pwedeng resolbahin ang aming MR dahil Napolcom daw ang nag request ng Legal Opinion.
Hanggang ngayon ay hindi pa nagpa-file ng Motion for Reconsideration ang Napolcom.
Dahil sa nasabing DOJ Opinion, tuluyan ng nahinto ang TPPD at Survivor benefits na ibinibigay ng Napolcom sa amin, simula January 2020 at sa Survivors simula July 2021.
Ang aming pension na tinatanggap naman namin sa PNP, July 23, 2021 na, ay hindi pa namin natatanggap sa kadahilanang nailipat nga sa Napolcom na at wala pang pondo naiibigay daw ang DBM. Yun kayang katwiran ng Napolcom na yun ay pwede naming gamitin sa Meralco at Maynilad, bukod sa aming gamot at sa iba pang pagkakagastusan sa pang-araw-araw lalo na’t may pandemya tayong hinaharap.
Mahal na Pangulong Duterte, nuong ikaw ay maging Pangulo nuong 2016, nangako ka sa amin na hindi mo pababayaan ang kapakanan ng mga Pulis at Sundalo na nag-serbisyo sa ating bansa at ibinuhos ang halos buong buhay sa pag seserbisyo sa ating pamahalaan at bayan. Bakit po hanggang ngayon di pa rin namin natatangap ang pensiong dapat ibigay ng PNP ngunit dahil sa DOJ Opinion inilipat nga sa Napolcom na hindi naman ito nakahanda upang magbigay ng pension namin sa nakatakdang panahon, tulad ngayon dapat July 16 pa natanggap na namin pero July 23 na wala pa. Ipinahinto na nga nila ang maliit na benepisyo dapat ibigay nila sa amin na naaayon naman sa batas at hindi naman talaga double compensation, wala pa rin kami hanggang ngayon natatanggap na pension na dapat ang PNP ang magbibigay pero sa kadahilanang nalipat nga sa kanila at hindi pa sila handa hanggang ngayon ay wala pa. Paano na kami Mahal na Pangulo mabubuhay nito na walang tulong na natatanggap sa gobyerno, wala namang inaasahang ibang paraan para makapag hanap ng ikabubuhay dahil sa natamo naming kapansanan at namatay na nga ang iba naming kasama sa paglilingkod sa bansa at sa ating mga kababayan at ngayon nasa gitna pa ng pandemic? Mahal na Pangulo, tulungan mo po kami na mga maliliit, tumatanda na at naghihirap na mga TPPD at Survivors ng PNP.