Advertisers
DAHIL sa tangkang pagsuhol sa isang pulis para manahimik sa kaso, hinatulan ng Sandiganbayan ng anim hanggang 10 taon na pagkakulong ang dalawang abogado sa Zamboanga City.
Sa 41-page decision ng SB-17-CRM-0978, isinaad ng Sandiganbayan 6th Division na si dating deputy city prosecutor Roselyn Murillo-Mamon at defense lawyer Pherhram Surian Saiddi ay ‘guilty’ sa paglabag sa Section 3(e) ng Anti-Graft and Corrupt Practices Act.
Si Murillo-Mamon ay perpetually disqualified din sa paghawak ng anumang public office. Kinuha rin ng korte pabor sa gobyerno ang P200,000 na narekober sa entrapment operation noong August 16, 2013.
Ang naturang mga abogados ay na-convict base sa testimonya ni Police Chief Master Sergeant Flavio Enriquez, Jr., na tinangka siyang suhulan ng mga ito kapalit ng hindi pagsabit kina Phon Mohammad at Dadoh Mansul sa frustrated murder case na nakasampa sa Zamboanga City Regional Trial Court (RTC) Branch 14.
Si Enriquez ay nag-testify na si Mamon noong Mayo 2013 ay nag-alok sa kanya ng paunang P100,000 kapalit ng kanyang pananahimik sa kaso. Sinabi niyang noong July 22, 2013, itinaas ni Mamon ang alok sa P250,000 hanggang P300,000, at dito ay sumama sa pakikipagkita si Saiddi at nagsabing sabihin lang ang kanyang presyo.
Sabi ng pulis, noong August 15, 2013, nakipagkita siya kay Mamon pero sinabihan siyang bumalik nalang kinabukasan dahil wala pa sa kanya ang pera. Nang sumunod na araw, sinamahan ng mga ahente ng National Bureau of Investigation (NBI) si Enriquez para sa entrapment operation na nagresulta ng pagkaaresto sa dalawang abogado.
Sa kanilang depensa, iginiit nina Mamon at Saiddi na hindi iyon suhol para isabotahe ang criminal case kundi “blood money” para ayusin ang civil aspect.
Pero hindi kinagat ng korte ang palusot ng dalawang abogado, nasilip ang “long and arduous negotiation for the payment of money” na ginawang sekreto sa tanggapan ni Mamon.
“As the handling prosecutor of the frustrated murder case, accused Mamon is mandated by law to exert earnest effort in exhausting all evidence to establish the guilt of Phon Mohammad and Dadoh Mansul, to see that justice is done. Instead, accused Mamon, in conspiracy with accused Saiddi, offered and gave Enriquez Two Hundred Thousand Pesos not to implicate Phon Mohammad and Dadoh Mansul,” saad ng decision ni Associate Justice Kevin Narce Vivero.(Mula sa Abogado website)