Advertisers
SINABI ng Department of Health (DOH) na nakapagturok ang pamahalaan ng record high na mahigit sa 673,000 COVID-19 vaccines sa loob lamang ng isang araw.
Batay sa datos, nabatid na 673,652 doses ng bakuna ang naiturok nila sa mga mamamayan nito lamang Agosto 3, 2021.
“673,652. This was the number of jabs administered last August 3, 2021, a new record high in our national vaccination campaign!” anang DOH.
Ipinagmalaki rin naman ito ni National Task Force (NTF) deputy chief implementer Vince Dizon at sinabing dahil sa naturang bilang ng pagbabakuna ay umaabot na ngayon sa kabuuang 21,891,012 ang bilang ng doses ng bakuna na nai-administer nila sa bansa.
Kabilang aniya dito ang nasa 12 milyong nakatanggap ng kanilang first dose habang 9.8 milyon naman ang fully-vaccinated na o nakatanggap na ng dalawang doses ng bakuna.
Kaugnay nito, patuloy namang nananawagan ang DOH at si Dizon sa mga mamamayan na magpabakuna na upang maprotektahan ang kanilang sarili laban sa COVID-19.
Pagtiyak pa ng DOH, ang lahat ng bakunang available sa bansa ay ligtas, mabisa at libre.
“All vaccines are safe, effective, and free! Let’s register at our LGUs and RESBAKUNA when it’s our turn so we can beat COVID-19!” ayon pa sa DOH.
Target ng pamahalaan na makapagbakuna ng 58 milyon hanggang 70 milyong indibidwal ngayong taon upang makamit ang herd immunity laban sa COVID-19 at ligtas na makapagbukas muli ang ekonomiya ng bansa. (Andi Garcia)