Advertisers
INULAT ng Department of Health (DOH), University of the Philippines – Philippine Genome Center (UP-PGC), at University of the Philippines – National Institutes of Health (UP-NIH) na mayroon pa silang 116 bagong Delta variant cases na natukoy sa bansa batay na rin sa pinakahuling whole genome sequencing na isinagawa nila, at kabilang dito ang 83 kaso na mula sa National Capital Region.
Sa inilabas na pahayag, nabatid na bukod sa 116 Delta (B.1.617.2) variant cases, nakapagtala rin naman ang DOH ng 113 Alpha (B.1.1.7) variant cases, 122 Beta (B.1.351) variant cases, at 10 P.3 variant cases.
Ayon sa DOH, dahil sa karagdagang 116 Delta variant cases umaabot na ngayon sa 331 ang total Delta variant cases sa bansa.
Sa mga bagong Delta cases, nabatid na 95 ang local cases, isa ang Returning Overseas Filipino (ROF) at 20 kaso ang biniberipika pa kung local o ROF cases.
Sa 95 local cases, 83 kaso ang may address sa National Capital Region, tatlo ang may address sa CALABARZON, apat ang mula sa Central Visayas, dalawa sa Davao Region, at tig-iisa mula sa Zamboanga Peninsula, Cagayan Valley, at Ilocos Region.
Ayon sa DOH, ang lahat naman ng pasyente ng Delta variant ay nakarekober na at iba pang impormasyon ay bina-validate na ng mga regional at local health offices.
Samantala, sa karagdagang 113 Alpha variant cases na natukoy, 104 ang local cases, isa ang ROF, at walo ang kasalukuyang biniberipika pa kung local o ROF case.
Base sa case line list, dalawa sa mga ito ang namatay at 111 cases ang nakarekober na.
Sa kabuuan ay mayroon ng 1,968 total Alpha variant cases sa bansa.
Nabatid na sa karagdagan namang 122 Beta variant cases, 104 ang local cases, apat ang ROFs, at 14 kaso ang biniberipika pa kung local o ROF. Lahat ng mga kaso ay nakarekober na.
Mayroon na ngayong 2,268 total Beta variant cases sa Pilipinas.
Sa kabilang dako, sa 10 karagdagang P.3 variant cases nama ay siyam ang local cases at isa ang ROF, at lahat sila ay magaling na. (Andi Garcia)