Advertisers
NAGBALIKAN ang mga sasakyang pandagat ng Tsina sa West Philippine Sea. Mas marami at mas agresibo sila ngayon. Dati, nasa daan lamang ang mga sasakyang pandagat. Ngayon, lampas isang libo na ang sasakyan doon. Nais ipakita ng Tsina sa buong mundo na sila ang may-ari ng halos kabuuan South Chian Sea.
Pinagtatawanan ng buong mundo ang paninindigan ng Tsina. Hindi sila pinapansin. Hindi sila sineseryoso ng mga malayang bansa. Habang ipinagyayabang nila na pag-aari nila ang South China, tuloy-tuloy ang malayang paglalayag ng mga sasakyang pandagat at kahit pandigma ng mga malayang bansa. Tuloy-tuloy ang daan ng mga sasakyang pangkalakalan ng mga malayang bansa. Hindi puede ang gusto ng Tsina na basta angkinin ang karagatan kung saan dumadaan ang mahigit $6 trilyon halaga ng kalakal ang bumabaybay kada taon.
Minsan naitanong kay Chito Sta. Romana sa isang pulong balitaan na aming pinamahalaan ang dahilan ng paglakas ng loob ng Tsina na angkinin ang kabuuan ng South China Sea. Hindi pa si Chito ang itinalagang sugo ng Filipinas sa China. Nasa pamantasan pa siya at nagtuturo. Diretso ang kanyang tugon: Sa tunggalian ng mga paksyon sa loob ng Chinese Communist Party (CCP), ang nag-iisang lapian politikal ng Tsina, namayani ang paksyon ng mga militarista na mas agresibo sa pag-aangkin at pagkamkam ng mga teritoryo na hindi sa Tsina.
Paksyon ito ng Shanghai Gang kung saan kabilang si Xi Jingpin. Pawang naubos, namatay, o nagretiro ang paksyon ng pragmatikong lider tulad ni Deng Xiaoping at Zhang Jemin. Malayang namayani ang paksyon ni Xi at nakipag-alyansa ito sa Chinese Young Communist League, ang grupo ng mga kabataang lider sa Tsina. Hindi sila bantulot upang ipakita ang kanilang poder sa buong mundo. Pawang mga ganid sa poder.
Isa ang paraan para pahinahin ang namamayaning pakyon ng mga militarista sa CCP. Kailangan lumpuhin ng mga malayang bansa ang pambansang ekonomiya ng Tsina. Kapag bumagsak ang ekonomiya ng Tsina dahil sa sama-samang pagkilos ng mga malayang bansa sa pangunguna ng Estados Unidos, matatauhan ang paksyon ng mga militarista. Kailangan nilang makipag-usap at ayusin ang gusot. Kundi tuloy-tuloy na mawawalan ng momentum ang Tsina.
Hindi sanay sa digmaan ang Tsina. Maliban sa giyera sa Korea na sinalihan ng Tsina noong 1952 at giyera sa hangganan ng Tsina at Vietnam na inumpisahan noong 1979, walang karanasan sa totoong digmaan ang Tsina. Hindi sila kaparehas ng Estados Unidos na halos lahat ng digmaan sa buong mundo at nilahukan ng Washington. Kabisado ng Estados Unidos ang iba’t ibang doktrina sa giyera. Alam ng Tsina kung sino ang binabangga nila.
Tanging si Rodrigo Duterte ang problema upang mapigil ang Tsina sa pagpasok sa ating teritoryo. Kahit nakontra ni U.S. Defense Secretary Lloyd Austin si Duterte noong bumisita ang huli sa bansa noong Hulyo, hindi pa solidong basehan ang pagbaligtad ni Duterte. Maliban sa kanyang pagtahimik, walang basehan upang maniwala na tinalikuran na ni Duterte ang Tsina. Nanatili siyang alipin ng Tsina.
***
PALAISIPAN sa amin kung ano ang ibig sabihin ni Rodrigo Duterte nang hingin sa Commission on Audit (CoA)na i-“reconfigure” ang resulta ng kanilang audit sa iba’-ibang ahensiya ng gobyerno. Hindi matalino si Duterte, mayabang, oo. Padalos-dalos ¹at hindi iniisip ang sinasabi. Hindi malaman kung ano ang konteksto ng reconfiguration.”
Kung nais ni Duterte na doktorin ang resulta upang hindi kahiya-kahiya sa kanyang gobyerno, hindi ito katanggap-tanggap. Kung nais niya na palabasin ng CoA na walang nakawan sa kanyang administrasyon, nagkakamali siya. Walang ganyan sa mandando ng CoA sa ialalim ng Saligang Batas. Isang malaking katangahan o kagaguhan ang kanyang hinihingi.
Ani Atty. Manuel Laserna, isang netizen, sa isang post sa social media: “[Duterte], diretsohin mo ang sovereign Filipino people. By “RECONFIGURE”, gusto mo ay DUKTORIN NG COA ANG REPORTS NITO to prematurely allege therein that there were no references to potential graft and corruption in their findings. Are OVERPRICING & the like not graft & corruption?”
***
LINAWIN natin: Si Sonny Trillanes at Gary Alejano ang unang nagdala ng sakdal na crimes against humanity sa International Criminal Court (ICC) laban kay Duterte, Bato dela Rosa, Jose Calida, Vitaliano Aguirre, Alan Peter Cayetano, Dick Gordon at iba pa. Isinampa ang asunto sa ICC noong Abril, 2017. Ang Magdalo Party List ang nagtrabaho sa mga detalye lalo na ang information na iniharap sa ICC.
Panahon ito na ganap na naghahari ang karahasan kung saan pinapatay ng walang habas ang taong pinaghihinalaan na sangkot sa droga bilang adik o tulak. Nasa kasagsagan ang mga EJKs (extrajudicial killings) dahil lubhang makapangyarihan si Duterte. Nang iharap ni Trillanes at Alejano ang mungkahing sakdal sa mga kasamang mambabatas sa Kongreso; dalawa ang sagot – natakot sila at pinagtawanan ng iba. Hindi sinuportahan ng ibang lider oposisyon ang sakdal dahil sa takot na sila ang pagbalingan ni Duterte. Nagbabala sila na baka ikulong o ipapatay sila ni Duterte.
May mga pagkakataon na tinutulan nila ang sakdal laban kay Duterte. Pinanghinaan sila ng loob. Hindi pinilit ng dalawang mambabatas ng Magdalo ang mga kasama. Kaya nagtiyaga si Trillanes at Alejano kahit silang dalawa na lang ang natira upang iharap ang sakdal. Hindi nangyari sa kasaysayan ng Filipinas na idemanda ang nakaupong panguilo kahit saang hukuman sa buong mundo. Bago ito at hindi pa napatunayan.
Nilibak ng ibang mambabatas ang sakdal. Mapupunta iyan sa basurahan, ani Ping Lacson na kilala bilang tagalabag ng mga batas sa karapatang pantao. Suntok iyan sa buwan, ani J.V. Ejercito na mas kilala bilang anak ni Erap at hindi bilang isang mahusay na mambabatas. Wala silang ibinigay na kahit katiting na suporta kahit libo-libo na ang napatay sa madugo pero bigong digmaan sa droga. Kahit si Leni Robredo ay hindi nagbigay ng kahit kapirasong suporta. Kung kailan kailangan ni Trillanes at Alejano ang kanilang suporta, dumistansiya sila.
Wala pa ang Kaliwa sa sakdal. Noong mga panahon na ginawa at isinampa ang habla sa ICC, may koalisyon pa ang Kaliwa sa naghaharing koalisyon ni Duterte. Magkakasama pa sila sa mga panahon na iyon. Noon 2019, humiwalay ang Kaliwa at doon sila kumilos upang suportahan ang naunang habla ni Trillanes at Alejano.
Bagaman may pagkakaiba sa paninindigan sina Trillanes at Magdalo sa kilusang Kaliwa kasama ang National Union of Patriotic Lawyers, hindi ito naging hadlang upang pigilin ang pagsama ng Kaliwa sa habla. Welcome pa nga. Mas marami, mas masaya. Malaki ang naitulong ng Kaliwa sapagkat nadagdagan ang information na naunang iniharap ni Trillanes at Alejano. Mas tumibay ang sakdal. May mga tinatayuang detalye na nagpapatunay na hindi iginalang ni Duterte ang batas sa bansa at walang magagawa ang sambayan upang pigilin siya.
Sa maikli, magkakampi ang Magdalo at Kaliwa pagdating sa sakdal. Hindi nila kakampi ang mga naduwag na pulitiko. Hindi umasa si Trillanes at Alejano sa suporta ng kapuwa pulitiko. Mas maigi ang Kaliwa. Samantala, sumulong ang habla at maaring umpisahan ng ICC ang preliminary investigation sa mga susunod na buwan. Takot na takot si Duterte at mga kasama.
***
Email:bootsfra@yahoo.com