Advertisers

Advertisers

Batching plant… polusyon!

0 894

Advertisers

MUKHANG may “niluluto” ang ilang barangay opisyales sa Batangas City para maipatayo ang batching plant ng Balfour Company kahit na mahigpit ang pagtutol ng mga apektadong mamamayan sa nasabing lungsod?

Kaya naman maraming mamamayan ng Brgy. Mabacong, isang lugal sa coastal area ng Batangas City na may humigit-kumulang sa 3,000 residente ang nanawagan kay City Mayor Beverley Rose Dimacuha, 5th District Rep. Marvey Mariño at kay Vice- Mayor Emilio “Jun” Berberabe na huwag pahintulutan na magtayo ang Balfour Company ng kanilang batching plant sa naturang barangay.

Kasama sa kanilang kahilingan na huwag ding sumang-ayon sa proyekto ng Balfour Company ang ilang mga miyembro ng konseho na malimit na nalalagay sa kontrobersya dahil sa pagpayag ng mga ito sa mga proyektong sa halip na makatulong ay nakapipinsala pa sa mga mamamayan.



Tinukoy ng mga nasabing concerned citizen ang pagkapagtatag sa karatig na Brgy. Simlong at pag-ooperate ng JJ Summit Petro Chemical Corporation na simula’t-sapul ay tinutulan din ng mga taga-Brgy. Mabacong at ng iba pang kanugnog na barangay, ngunit nakapadududa namang napagtibay din at nabigyan ng Permit to Construct at Permit to Operate ang naturang kompanya?

May naganap nga bang hokus-pokus sa pagkapagpatayo at pag-ooperate ng JJ Summit Petro Chem. Corp?



Ayon sa sumbong, hindi lamang mga taga-Brgy. Mabacong kundi maging ang mga residente ng mga barangay ng Simlong, Pagkilatan at Tabangao ang lubhang mapipinsala sakali’t mag-opertate na ang nasabing planta.

Duda naman ang mga taga-barangay sa pananahimik ng kanilang dati ay mabokang Punong barangay at iba pa nilang opisyales.



Posible anila na nagkakaroon ng cash-unduan sa pagitan ng ilang korap na barangay official at ng kinatawan ng Balfour Company para magsawalang kibo ang mga ito at walang maging sagwil na maitayo doon ang naturang planta?

Sa ilang mensaheng natanggap ng SIKRETA ay inilahad din ng mga residente ng nasabing barangay na may tinatayang walong kilometro ang layo sa Batangas City Proper na malaking banta sa kalusugan ng mga mamayan ang pag-ooperate ng naturang batching plant.

Humigit-kumulang naman sa apat na milya ang layo ng naturang barangay mula sa karagatan ng Batangas City Pier kayat ang mga pinakamataong barangay ng Cuta, Sta Clara at Wawa ay damay din sa pinsalang malamang na idulot ng Balfour Batching Plant.

Batay sa datus, klasipikadong agricultural at residential land lamang ang mga lupaing sumasaklaw sa Brgy. Mabacong na ang karamihan sa mga mamayan ay umaasa ng kanilang ikabubuhay sa pagsasaka at pangingisda.

Ngunit sa bisa ng land conversion scheme ay namaneobra ng ilang korap na politiko na maging industrial land ang ilang parte ng kalupaan na di saklaw ang residential areas ng Brgy. Mabacong, ang pagsisiwalat pa ng mga nabanggit na mamamayan.

Ang sapilitang pagtatayo ng batching plant ng Balfour Company na napakalapit sa residential area ay lubhang makakaapekto sa kalusugan at kabuhayan ng mga tagarito, sang-ayon pa sa text messages sa inyong lingkod.

Sa ilan namang post sa social media ay umalma ang residente ng nasabing barangay pagkat ang pagdaloy ng semento mula sa naturang planta patungong karagatan ay makakapinsala, makamamatay sa isda at iba pang yamang-dagat sa naturang barangay.

Ang matinding alikabok na ibubuga mula sa batching plant ay magdudulot din ng malaganap na pagkakasakit sa mga residente lalo na sa mga sanggol, kabataan at senior citizen.

Bukod sa alikabok at polusyon na lulukob sa barangay ay papatay din ang planta sa mga mga pananim, halaman at produktong pang-agrikulktural doon kaya’t parang inaagawan ng naturang kompanya ang mga mamamayan doon ng kanilang ikabubuhay.

Panawagan ng mga mamamayan ay huwag nang ituloy ang pagtatayo ng Balfour Batching plant pagkat sa halip na paunlarin ang kalagayan ng mga residente sa Brgy. Mabacong at iba pang mga barangay ay ito pa ang maglulugmok sa kanila sa ibayong hirap, pagdurusa, pagkakasakit at pagkagutom.

“Tulungan po n’yo kaming wag nang ituloy pa ang proyektong ito ng Balfour Company” ang mensahe pang natanggap ng inyong lingkod.

Kaya naman kasama ang inyong lingkod sa pananawagan kina Mayora Dimacuha, Cong. Marvey, Vice Mayor Doc Jun Berberabe at sa mga konsehales ng syudad, na huwag na sana nilang pabayaan na masakripisyo pa ang buhay at kalusugan ng libu-libong mamamamayan ng mahal nating lungsod.

***

Para sa komento: Cp # 09293453199 at 09664066144,email: sianing52@gmail.com.