Advertisers
“KAHIT sino, yakapin natin.”
ITO ang direktiba ni Manila Mayor Isko Moreno sa lahat ng direktor ng mga pagamutang pinatatakbo ng pamahalaang lokal at sinabi rin ng alkalde na lahat ay dapat na pagsilbihan taga-Maynila man o kahit hindi taga-Maynila. Inutos din ni Moreno na isama na ang hindi mga taga-Maynila sa mass vaccination program ng lungsod simula nitong Miyerkules, Sept.1.
Nitong Miyerkules din ay sinalubong ang mga motorista ng maliwanag na kalye sa kahabaan at panulukan ng Hermosa-Abad Santos at Rizal Avenue patungong R. Papa.
Ito ay matapos na pangunahan ni Moreno ang streetlighting ceremony sa nasabing lugar kasama sina City Engineer Armand Andres, Manila Traffic and Parking Bureau Director Dennis Viaje at City Electrician Randy Sadac.
Sinabi ni Viaje na gusto ng alkalde na pakinabangan ng mga motorista ang maliwanag na mga kalye upang sila ay maging ligtas at mailayo sa sakuna lalo na sa gabi.
Ipinalabas ni Moreno ang direktibang buksan ang lahat ng pagamutan sa lungsod kahit sa hindi mga residente sa isang pulong na ginawa kasama ang mga miyembro ng Manila City Hall’s health cluster sa pamumuno ni Vice Mayor Honey Lacuna, kung saan tinalakay ang kasalukuyang sitwasyon ng mga kaso ng COVID-19 at ng kasalukuyang mass vaccination sa lungsod.
Sa nasabing pulong na dinaluhan nina Gat Andres Bonifacio Memorial Medical Center director Dr. Ted Martin, Ospital ng Tondo director Dr. Mryna Paloma, Justice Abad Santos General Hospital director Dr. Merle Sacdalan, Ospital ng Sampaloc director Aileen Lacsamana, Sta. Ana Hospital director Dra. Grace Padilla, Manila COVID-19 Field Hospital director Dr Arlene Dominguez at Manila Health Department chief Dr. Arnold Pangan, sinabi ni Moreno na tanggapin ang mga pasyente kahit saan ito nagmula.
Maging ang mga namamahala sa mass vaccination program ng lungsod ay binigyang direktiba ng alkalde na tanggapin kahit hindi mga taga-Maynila.
“Good news, the vaccination in the city of Manila had been saturated and only a few remain unvaccinated. We will now open our health centers for mass vaccination to bring the jabs nearer to that those who are yet to get their first dose,” sabi ni Moreno.
Binilinan din ng alkalde ang lahat ng mga ditektor na bigyan ng mga mamahaling gamot para sa severe o kritikal na kaso ng COVID-19 ang mga pasyente kahit hindi residente ng lungsod. Ang mga gamot na tinutukoy ng alkalde ay mga life-saving drugs
na kinabibilangan ng Remdesivir at Tocilizumab na una ng binili ng pamahalaang lokal dahil ito ay nakapagliligtas ng buhay sa mga severe o kritikal na kaso ng COVID. (ANDI GARCIA)