Advertisers
IGINIIT ni Albay Rep. Edcel Lagman na hindi maaring tumanggi ang Commission on Elections (Comelec) sa extension ng voter registration process.
Ayon kay Lagman, sa ilalim kasi ng iniakda niyang batas, ang Republic Act No. 8189 o “The Voter’s Registration Act of 1996,” mayroong hanggang Enero 9, 2022 ang poll body para isagawa ang voter registration.
Sa ilalim ng Section 8 ng naturang batas, nakasaad na ipinagbabawal lamang ang voter registration 120 days bago ang regular election at 90 days naman bago ang isang special election.
Dahil dito, sinabi ni Lagman na maaring ipagpatuloy pa rin ang registration ng mga botante para sa May 2022 polls hanggang Enero 9, 2020, na saktong 120 days bago ang May 9, 2022 regular election.
Mas reasonable at critical pa nga sa ngayon ang batas na ito lalo pa at nahaharap ang bansa sa pandemya, na pahirap sa mga nagnanais sana magparehistro dahil sa mga restrictions.
Matatandaan na sa mga nakalipas na linggo ay makailang ulit na nananawagan ang dalawang kapulungan ng Kongreso na palawigin ng Comelec ang voter’s registration process para maiwasan ang malaking voter disenfranchisement.
Nanindigan ang Comelec na sundin ang kanilang September 30 deadline, pero bukas naman sa ideya ng 1-week extension pagkatapos ng filing ng certificate of candidacy mula Oktubre 1 hanggang 8.