Advertisers

Advertisers

Ilang medical supply ng Pharmally pinapalitan lang ang expiration date

0 287

Advertisers

MARUMI, yupi-yupi at naninilaw na ang mga face shield ngunit ipinag-utos pa rin umanong i-repack at palitan ng expiration date ng Pharmally Pharmaceutical Corp.

Ito ang ibinunyag nitong Biyernes, Setyembre 24, ng isang testigo na warehouse worker ng Pharmally sa nagpapatuloy na pagdinig ng Senate blue ribbon committee kaugnay ng bilyon-bilyong halaga ng mga kontratang nakuha ng Pharmally mula sa gobyerno.

Ayon sa testigo, nire-repack at pinapalitan nila ng bagong certificate ang expired na face shield na nakalaan para sa mga doktor at nurse.



“Then, yung face shield na yun is dinedeliver po sa warehouse din. Ang ginagawa po namin is nire-repack po namin sya, tinatanggalan po namin siya ng mga certificate na expired then papalitan po namin sya ng bagong certificate na nakalagay present year, from the expired year na 2020,” tugon ng testigo sa pagtatanong ni Sen. Risa Hontiveros kaugnay sa mga protective equipment.

“Bale yung mga certificate po na nakalagay sa dumarating na face shield is mga expired po sya,” wika ng testigo.

Nanggaling umano ang kautusan mula kay Krizle Grace Mago, accounting staff ng Pharmally.

Matapos umano nilang i-repack ay nilalagyan nila ng Philippine Government Property ang mga face shield kung saan nakalagay ang pangalan ng Department of Health.

Itinanggi naman ni Mago ang akusasyon ng testigo dahil mula umano kay Mohir Dargani, Pharmally Corporate Secretary ang nasabing kautusan na itinanggi rin ng huli



Para kay Hontiveros, dehado na nga aniya sa mga benepisyo, dehado pa rin ang mga health care workers sa kanilang protective equipment kung saan wala aniyang sinasanto ang kasakimang ito. (Mylene Alfonso)