Advertisers

Advertisers

Kawatan nakatulog sa ninakawang grocery, arestado

0 256

Advertisers

Arestado ang lasing na dalagang kawatan na iniwan ng kasamahan nang makatulog sa grocery na pinakawan sa San Jose Del Monte (SJDM), Bulacan, nitong Martes.

Kinilala ang mga naaresto na sina Rochelle Cerbito, 20, dalaga, residente ng Brgy. Bagong Buhay; at Bienvenido Salazar, 43, binata ng Brgy. San Martin 4.

Sa report ng SJDM police, nangyari ang insidente 9:00 ng umaga, Setyembre 28 sa isang tindahan sa Brgy. Bagong Buhay 2.



Ayon sa inisyal na imbestigasyon, nagbukas ng tindahan ang may-aring si Aling Cindy para ayusin ang paninda nang makitang gulo-gulo ito.

Mas lalo siyang kinutubang nilooban nang makita ang isang babae na mahimbing na natutulog sa loob mismo ng tindahan niya.

Dahil dito, agad siyang humingi ng tulong sa mga awtoridad kaya inaresto ang dalagang kawatan.

Inginuso naman nito ang kanyang kasamahang tumayong look out na si Salazar na nahuli kalaunan ng mga awtoridad.

Nakuha sa dalagang kawatan ang P20,000 cash, Huawei cellphone na nagkakahalaga ng P14,000, t-shirt at tatlong bundle fresh chicken meat.



Nahaharap sa kasong robbery ang dalawang naarestong suspek na sinasabing nagwalwal muna bago pasukin ang naturang tindahan.(James de Jesus)