Advertisers

Advertisers

Bus nang-araro ng 2 sasakyan, poste sa SJDM; 2 sugatan

0 238

Advertisers

Sugatan ang dalawang katao kabilang ang lalaking call center manager na nakuryente nang masagasaan ng bus na nawalan ng preno ang dalawang sasakyan at isang poste sa San Jose Del Monte (SJDM), Bulacan.

Kinilala ang dalawang sugatan na sina Rosemarie Guillermo, 57 ng Brgy. San Martin 1; at ang nakuryente na si Jesus, 29, binata, call center manager ng Brgy. San Martin 2.

Minamaneho naman ng isang Joey Rapsing, 33, ang Rainbow Express bus na may plakang TXL280 na sinasabing nawalan ng preno.



Sa report, 9:45 ng umaga, Oktubre 3, binabaybay ng humahagibis na bus ang EVR road ng Brgy. Buhay 2 nang mawalan ng preno na humagip sa gawing likuran ng Mitsubishi Adventure na minamaneho ng isang Dionisio Delos Santos ng Brgy. Minuyan 4.

Sinasabing kinabig ng bus driver ang manubela sa kaliwa hanggang sa lamunin ang kabilang linya na nakahagip sa tagiliran ng isang Kawasaki Barako 175 tricycle.

Tumilapon naman sa labas ng tricycle ang pasaherong si Rosemarie na nagtamo ng sugat sa kanang paa.

Dahil dito, nagdiretso at sumalpok ang bus sa poste kaya naputol ang ilang kawad ng kuryente.

Nakuryente naman sa naputol na kawad ang naglalakad na call center manager na si Jesus at nawasak ang salamin ng isang furniture shop at ikasira ng signage ng isang establisyimento sa lugar.



Mabilis naman na nadala sa pinakamalapit na ospital ang mga sugatan para sa paunang lunas.

Nahaharap sa kasong Reckless Imprudence Resulting in Damage to Property and Physical Injuries ang boluntaryong sumukong bus driver.