Advertisers
SINABI ng OCTA Research Group nitong Sabado na bumaba pa sa 0.61 na lamang ang reproduction number ng COVID-19 sa National Capital Region (NCR).
Ang reproduction number ay yaong bilang ng mga taong maaaring ihawa ng isang pasyente ng COVID-19.
Batay sa ulat ng OCTA, na ibinahagi ni Dr. Guido David, sa kanyang Twitter account, nabatid na ang naturang reproduction number, na naitala mula Oktubre 2 hanggang 8, ay ikinukonsidera ng low risk.
Mas mababa anila ito sa 0.83 reproduction number na naitala naman mula Setyembre 25 hanggang Oktubre 1.
Ayon pa sa OCTA, ang seven-day average ng mga bagong COVID-19 cases sa NCR ay nasa 2,140 na lamang mula Oktubre 2 hanggang 8, na mas mababa kumpara sa 3,627 na naitala mula Setyembre 25 hanggang Oktubre 1.
Ang daily attack rate naman ng virus per 100,000 ay nasa 15.32 para sa Oktubre 2 to 8 sa NCR, at ikinukonsidera pa rin itong mataas.
Gayunman, mas mababa pa rin ito mula sa 25.97 daily attack rate ng virus na naitala mula Setyembre 25 hanggang Oktubre 1, na ikinukonsidera namang nasa kritikal.
Dagdag pa ng OCTA, ang one-week growth rate ng mga bagong COVID-19 cases sa NCR ay nasa -41% naman para sa Oktubre 2 to 8, mula sa -17% para sa Setyembre 25 hanggang Oktubre 1 habang ang positivity rate naman ay nasa 13% na lamang mula sa dating 17%, bagamat mataas pa rin ito.
Samantala, ang healthcare utilization sa rehiyon ay mababa na sa rate na 53% para sa Oktubre 2 to 8, mula sa dating 57% noong naunang linggo, na mababa rin naman.
Ang ICU occupancy naman ay nasa 71% pa rin, na ikinukonsidera pa ring mataas bagamat mas mababa ito mula sa dating 75%.
Sa kabuuan, sinabi ng OCTA na ang risk level ng NCR ngayon ay nasa moderate level base sa datos mula Oktubre 2 to 8, mula sa dating high risk level mula Setyembre 25 hanggang Oktubre 1. (ANDI GARCIA)