Advertisers
ARESTADO ang isang dating pulis at ang apat na kasama nito nang maharang sa checkpoint at mahulihan ng marijuana bricks sa Barangay Poblacion, Sadanga, Mt. Province, Miyerkoles ng umaga.
Kinilala ni PDEA – Cordillera Regional Director Gil Castro ang mga naaresto na sina Sonny Kidit Kalaw, 36 anyos, dating pulis at mayoralty candidate sa Sabangan, Mt. Province; Jonathan Fomanos Abella, 37, empleyado ng Bontoc General Hospital at residente ng Brgy. Gawana, Barlig, Mt. Province; Jeric Arzadon Sansano, 30, tubong-Bonfal East, Nueva Vizcaya pero naninirahan ngayon sa Brgy. Foyayeng, Bontoc; Samson Amiling Damaso, 28, tubong-Tadian, Mt. Province pero naninirahan ngayon sa Brgy. Samoki, Bontoc; at isang 17-anyos na lalaki na taga- Brgy. Batayan, Tadian.
Ayon kay Castro, dating pulis Maynila si Kalaw na nag-AWOL sa serbisyo.
Nagsagawa ng checkpoint ang mga pinagsanib na puwersa ng Sadanga MPS, PDEA Mt. Province, PDEA Mimaropa , PIU/DEU-MPPPO, MPPMFC 2nd Coy, PIDMU, RMFB1502nd, at RID PROCOR nang makatanggap ng impormasyon na may isang sasakyan na may kargang marijuana ang dadaan sa naturang lugar.
Nasamsam mula sa mga dinakip ang 19 bricks ng marijuana dried leaves na tinatayang nagkakahalaga ng P2,280,000.00, isang weighing scale, assorted IDs, 16 basyo ng 9mm, at 9 bala ng 9mm.
Kinumpiska rin ng mga otoridad ang sasakyan ng mga suspek na kulay itim na Hiace Grandia van.