Advertisers
PINABULAANAN ng pamahalaang lokal ng Quezon City nitong Lunes ang mga pahayag ni Anakalusugan Partylist Congressman Michael Defensor na may balak itaas ang amilyar o real property tax ang pamunuan ng local goverment unit (LGU) sa susunod na taon.
“Nagsisinungaling si Defensor. Ang ordinansa niyang tinutukoy ay walang kinalaman sa pagtataas ng amilyar o real property tax, bagkus ay layon nitong pataasin ang halaga ng mga lupa o ari-arian sa lungsod,” paliwanag ng abogado ng siyudad na si Atty. Orlando Casimiro.
Tinukoy ni Casimiro ang Ordinance No. SP-2556 na ginigiit ni Defensor. Ito raw ay ipinasa noong 2016 nang si Mayor Joy Belmonte ay Vice Mayor pa lamang at taga-pangasiwa at pinuno ng Konseho. Aniya, naipasa ang ordinansa alinsunod sa inaatas ng Republic Act 7160 o ang Local Government Code of 1991 na nagsasaad na lahat ng LGU ay dapat magsagawa ng pagtataya sa halaga ng mga ari-arian sa lungsod kada ikatlong taon.
Nakakuha pa nga ang mga kumikwestiyon sa ordinansa ng temporary restraining order (TRO) nang magpetisyon ang mga ito sa Korte Suprema noong 2017, subalit ibinasura din ang petisyon ng Mataas na Hukuman noong 2018.
Dagdag pa ni Atty. Casimiro, ganun pa man, ay hindi rin ipinatupad ni Mayor Belmonte ang nasabing ordinansa dahil sa ipinangako niya ito sa kanyang kampanya noong 2019. Layon lamang ng ordinansa, aniya, na pataasin ang halaga ng mga lupa sa lungsod na magiging kapaki-pakinabang pa sa mga nagmamay-ari ng mga ito.
Pangalawa, ayon kay Casimiro, ang ordinansa ay sinuspinde pa nga ng Konseho na ngayon ay pinamumunuan na ni Vice Mayor Gian Sotto upang di muna maipatupad, dahil sa panahon ng pandemiya.
Nagpahayag din si Sotto na sa katunayan dalawang ordinansa (SP-2986 at SP-2996) ang kanilang naipasa para lamang suspindihin ang SP-2556 para sa taon 2021 at 2022.
“Tayo po ay patuloy na nananawagan sa ating mga kasamahan sa Lungsod (lalo na at sila ay naturingang mga halal ng taumbayan) na maging maingat sa kanilang inilalabas na pahayag sa publiko,” ang pakiusap ni Sotto patungkol kay Defensor.
Sinusugan naman ito nila Majority Floor Leader Franz Pumaren at konsehal Jun Ferrer na siyang may akda ng mga ordinansang nagsususpinde sa lokal na batas sa pagtataas ng mga amilyar.
Samantala, iniulat ni City Treasurer Ed Villanueva na patuloy nilang nakokolekta ang mataas na pagbabayad ng mga buwis kaya’t di na kailangan magtaas pa ng panibagong real property tax.
P22 bilyon, aniya, ang koleksiyon ng Quezon City noong 2020 mataas ng ‘di hamak sa P19.33 bilyong koleksiyon noong 2019, hindi pa kasama sa mga halagang ito ang nakukuhang pondo galing sa iba pang klase ng buwis gaya ng Internal Revenue Allotment (IRA) na nanggagaling naman sa nasyunal na pamahalaan.