Advertisers
TODAS ang isang mister nang manlaban sa mga rumesponde nang pagbabarilin nito ang kanyang misis na pulis sa Barangay Quibal, Penablanca, Cagayan.
Kinilala ang napatay na si Julius Calaycay, ng Brgy. Linao East, Tuguegarao City.
Sa report, binaril ni Julius ang kaniyang misis na si MSgt. Evelyn Calaycay, ng Brgy. Cataggaman Nuevo, Tuguegarao City, habang papasok ito sa himpilan ng pulisya sa lungsod kungsaan ito nakatalaga.
Masuwerteng nagtamo lamang ng daplis sa tagiliran ang misis nito na nagresulta sa pagkatumba sa minanehong motorsiklo sa bahagi ng Pinacanauan River sa Brgy. Centro 10.
Tumakas ang mister lulan din ng motorsiklo, habang nagpasaklolo sa kaniyang mga kasamahan sa PNP Tuguegarao ang biktima.
Sa tulong ng kanilang anak na si CJ, tinukoy niya na mismong ang kanyang ama ang bumaril sa ina batay sa ipinakitang CCTV footage.
Agad tinungo ng pulisya ang bahay ng kapatid ni Julius sa Brgy. Quibal na itinuro ng anak na posibleng kinaroroonan ng ama.
Nakasalubong ng mga rumespondeng pulis si Julius na lulan ng motorsiklo. Unang nagpaputok ang mister kaya’t gumanti ng putok ang mga operatiba. Tinamaan sa paa si Julius.
Gayunman, hindi umano huminto si Julius at nagpatuloy sa pagmamaneho hanggang sa makarating sa bahagi ng piggery sa Brgy. Aggugaddan.
Sinubukan makipagnegosasyon ng pulisya para sa maayos nitong pagsuko. Tumagal ng halos isang oras ang negosasyon. Pero pinutukan ng dalawang beses ni Julius ang mga pulis. Kaya’t binaril na ito ng mga operatiba at hindi na umabot ng buhay sa pagamutan.
Napag-alaman na matagal nang hiwalay ang mag-asawa, kungsaan kinasuhan ni Evelyn ang mister ng Anti-Violence Against Women and their Children (VAWC) subali’t nakapag-piyansa ito noong 2018.
Narekober ng mga pulis sa pag-iingat ni Julius ang isang homemade 12 guage short firearm na walang serial number, 6 live ammunitions ng guage 12 shotgun at isang hand grenade.(Rey Velasco)