Advertisers
PINABULAANAN ng Department of Interior and Local Government (DILG) ang ulat na umano’y hindi raw nakonsulta ang mga alkalde sa pagpapatupad ng Alert Level 3 sa National Capital Region (NCR).
Sa Laging Handa briefing, sinabi ni DILG Usec. Jonathan Malaya na maayos na napaghandaan ng Metro Manila mayors ang implementasyon ng Alert Level 3.
Dahil bago pa aniya nila inanunsyo ang pagluluwag sa NCR ay nagkaroon sila ng mga pagpupulong kasama ang IATF, Metro Manila Council na pinumumunuan ni Mayor Edwin Olivarez at ng MMDA, sa pamamagitan ni Chairman Benhur Abalos.
Kaya naman ani Malaya, lahat ng mungkahi o posisyon ng mga alkalde sa NCR ay agad aniyang naipaabot sa IATF.
Sa katunayan, ayon sa opisyal, madalas siyang nakakasama sa mga ginagawang pagpupulong ng mga miyembro ng IATF, Metro Manila mayors, at ng iba pang mga ahensiya ng gobyerno.
Dahil dito, nakatitiyak aniya siya na batid ng lahat ng alkalde sa NCR ang mga pamantayan para sa implementasyon ng Alert Level 3.
Ito ang dahilan ani Malaya kung bakit nakasisiguro siyang nagkaroon ng sapat at tamang paghahanda ang mga mayor sa kamaynilaan para sa pagpapatupad ng bagong alert level system. (Vanz Fernandez)