Advertisers
ILANG araw palang matapos inilibing ang pumanaw na ama ni Eduard Ellorin Jr. sa isang pampublikong sementeryo sa Maragusan, Davao de Oro, pero nagulat siya sa kanyang dinatnan.
Habang naglalagay ng tent para sa ika-siyam na araw na pagpanaw ng kanyang ama, napansin ni Eduard na may butas na ang nitso.
At may butas din ang 10 pang katabing nitso.
Ayon kay Eduard, wala naman nawalang gamit sa bangkay. Hindi niya rin alam kung ano ang pakay ng mga salarin.
Pero ayon sa netizens sa kanyang Facebook post, maaring “tuway-tuway” o knee cap ang target ng mga salarin na ginagawa umanong anting-anting.
Napansin din kasi ni Eduard na ang butas sa mga nitso ay nasa bandang paanan.
“Panawagan ko lang sa mga kamag-anak na bisitahin ang nitso ng kanilang mga mahal sa buhay,” ani Eduard.
Panawagan niya rin sa mga awtoridad na bantayang maigi ang sementeryo para maiwasan ang ganitong mga pangyayari.
Iniimbestigahan na ng Maragusan Municipal Police ang insidente.