Advertisers
INIHAYAG ni Senator Christopher “Bong” Go na kung mapoprotektahan ang buhay ng bawat Filipino o ang populasyon sa pamamagitan ng pagbabakuna ay maibabangon ang kabuhayan ng lahat at ng ekonomiya hanggang sa magbalik sa normal ang sitwasyon sa bansa.
Ginawa ni Go ang pahayag matapos mamahagi ang kanyang grupo, kasama ang iba pang ahensiya ng gobyerno ng tulong sa malilit na may-ari ng negosyo sa Balingasag, Balingoan, Binuangan at Lagonglong, Misamis Oriental na pawang naapektuhan ang buhay at kabuhayan dulot ng COVID-19 pandemic.
Sa kanyang video video message, iginiit ni Go sa mga pupuwede nang mabakunahan na tanggapin na ang kanilang COVID-19 shots para makatiyak na sila ay protektado laban sa virus, gayundin ang kanilang pamilya at komunidad.
“Ngayon po, mga kababayan ko, sa Metro Manila unti-unti na hong bumababa ‘yung kaso dahil po mahigit 77% na po ng populasyon sa Metro Manila ay bakunado. Ibig sabihin, ‘pag marami pong bakunado, mas protektado po. Ang iniiwasan natin ay bumagsak ang ating healthcare system, ‘yung napupuno po ‘yung mga hospital. Magtulungan ho tayo,” sabi ni Go.
“Magtiwala ho kayo sa gobyerno, magtiwala ho kayo sa bakuna. Ang bakuna po ang tanging susi o solusyon sa ngayon para makamtan po natin ang population protection, ‘yung 50% po ng population ang bakunado. At herd immunity kapag 70% na po ng population ang bakunado. ‘Yan po ang target natin ngayon, makamtan po natin ang population protection at herd immunity para naman po sumaya ang ating Pasko,” idinagdag ng senador.
Sinabi ni Go na kung mababa ang kaso ay mabubuksan na muli ang ekonomiya. At kapag bukas ‘yung ekonomiya, makababalik na sa trabaho ang marami at magkakalaman na uli ang tiyan niyo.
“Hindi lang COVID ang kalaban natin ngayon, kagutuman rin po,” anang mambabatas.
Namahagi ang grupo ni Go ng ayuda sa tinatayang 345 small business owners sa mga nabanggit na bayan.
Bilang chairman ng Senate Committee on Health, sinabi ni Go na hindi dapat isawalang-bahala ng bawat isa ang kanilang kalusugan sa gitna ng patuloy na pandemya.
Kaya hinikayat niya ang mga ito na kung mangangailangan ng medical care ay lumapit lamang sa Malasakit Center sa Northern Mindanao Medical Center o sa J.R. Borja General Hospital sa Cagayan de Oro City.
“Hindi niyo na kailangan pumila o umikot pa sa iba’t ibang opisina para humingi ng tulong pampagamot dahil nasa loob na sila ng iisang kwarto. Lapitan niyo lang ang Malasakit Center at wala itong pinipili. Karapatan niyo bilang mga Pilipino ang maka-avail ng serbisyo nito,” ani Go.
Noong Oktubre 14, namahagi rin ng tulong ang tropa ni Go sa hog raisers at iba pang agricultural workers sa Alubijid, Misamis Oriental matapos maapektuhan ang kanilang negosyo na dulot din ng pandemya at paglaganap ng African Swine Fever virus.