Advertisers
MAHIGPIT pa ring ipinagbabawal ang mass gatherings na posibleng maging super spreader sa pagkalat ng Coronavirus disease 2019 (COVID-19), ayon sa Department of Health (DoH).
Ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, puwedeng magsagawa ng Halloween at Christmas parties pero ito ay para lamang sa loob ng pamilya.
Kailangan din umanong sundin pa rin ang safety protocols at iwasan ang tinatawag na 3Cs (closed, crowded, close contact).
Dagdag ni Vergeire, kapag mayroon daw sintomas ng COVID-19 ay huwag nang piliting dumalo sa mga party.
Kasabay nito, pinaalalahanan na rin ng DoH ang mga pulitikong tatakbo sa 2022 elections na mahigpit na ipatupad ang safety protocols sa kanilang campaign events.
“Paalala naman po sa ating local governments, alam naman po natin at naiintindihan natin na nagkakampanya na tayo. Sana tayo na po ang magkaroon ng responsibilidad na magkaroon ng ganitong safety protocols during our campaign period,” ani Vergeire.