Advertisers
MAAARING sa Nobyembre o Disyembre ay masimulan na ng pamahalaan ang pagbibigay ng 3rd dose at booster shots ng COVID-19 para sa mga indibidwal na kabilang sa priority groups.
Ito ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, ay kung sakaling mailabas na ng Food and Drug Administration (FDA) ang emergency use authorization (EUA) para dito.
Nauna nang inaprubahan ni Health Secretary Francisco Duque III ang rekomendasyon ng Health Technology Assessment Council (HTAC) na magbigay ng karagdagang COVID-19 vaccines sa mga healthcare workers at iba pang priority groups.
Sinabi naman ni Vergeire na dapat na amiyendahan ng FDA ang EUA ng mga COVID-19 vaccines na kasalukuyang ginagamit sa bansa upang mabigyan ng pahintulot ang booster shot o third dose ng bakuna.
Nabatid na ang booster shots ay ipinagkakaloob sa mga taong ang proteksiyong nakuha sa bakuna ay nabawasan habang ang 3rd dose naman ay ipinagkakaloob sa mga vaccine recipients ay hindi nakakuha ng sapat na immunity laban sa COVID-19, gaya ng mga taong ikinukonsiderang immunocompromised. (Andi Garcia/Jocelyn Domenden)