Advertisers

Advertisers

Pilipinas low risk na sa Covid-19

0 233

Advertisers

SINABI ng Department of Health (DOH) na nasa low-risk classification na ngayon sa COVID-19 ang Pilipinas kasunod na rin ng patuloy na pagbaba ng mga naitatalang mga bagong kaso ng sakit sa nakalipas na dalawang linggo.

Sa isang media forum nitong Lunes, sinabi ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire na ang lahat ng rehiyon sa bansa ay nakakapagtala na lamang ng moderate-risk at low-risk classification.

Ayon kay Vergeire, nakapagtala na lamang din ang bansa ng ‘negative two-week growth’ na nasa -48%.



Samantala, ang average daily attack rate (ADAR) ay bumaba na rin sa 5.89 per 100,000 mula sa dating 11.41.

Batay sa datos mula sa DOH, lumilitaw na ang bansa ay mayroon na lamang din na bed utilization rate na 41.15%, mechanical ventilator utilization rate na 37.65%, at ICU utilization rate na 53.15%.

Gayunman, mayroon pa rin anim na rehiyon sa bansa ang mayroong high-risk ADAR, kabilang ang Cagayan Valley na may 18.53, Zamboanga Peninsula na may 8.02, Cordillera Administrative Region na may 27.30, MIMAROPA na may 7.09, Ilocos Region na may 7.18, at National Capital Region na may 8.56.

Nasa high-risk pa rin naman ang ICU utilization rates sa Cagayan Valley (88.57%), Bicol Region (71.43%), at Zamboanga Peninsula (71.23%).

Samantala, iniulat din na ang NCR ay nakapagtala ng ADAR na 8.56 per 100,000 population mula sa dating 18.30 at ang kasalukuyang klasipikasyon nito ay moderate-risk.



Ang bed utilization rate naman sa rehiyon ay nasa 35.98%, ang mechanical ventilator utilization rate ay nasa 35.42%, at ang ICU utilization rate ay nasa 46.37%.

Sa kabila naman ng lahat ng ito, nilinaw ni Vergeire na hindi pa maaaring ideklara ng pamahalaan na ang COVID-19 ay nasa endemic stage na.

Aniya, kailangan muna itong pag-aralang maigi lalo na at madalas aniyang mag-mutate ang virus na ito. (Andi Garcia)