Advertisers
ILOILO CITY – Hindi napigilan ng 70-anyos na retired police colonel na kagatin ang daliri ng isang lalaki na nakaalitan nito dahil lang sa away-trapiko sa Barangay Calaparan, Arevalo dito.
Kinilala ang retiradong opisyal ng PNP na si Eduardo Bacolor; at ang nakaaway nito ay si Radney Sarmento, 35, kapwa residente sa lugar.
Ayon kay Captain Chen Tañagras, station commander ng Arevalo Police Station, base sa alegasyon ni Bacolor, hindi makadaan ang kanyang sasakyan dahil sa naka-obstruct na mga pedicab at tricycle.
Ayon sa hepe, nagalit si Bacolor at sinigawan ang mga driver. Lumapit si Sarmento at hinatak ang damit ng retiradong opisyal. Tinulak ni Bacolor si Sarmento. Gumanti ng suntok ang huli at natumba ang retiradong pulis.
Dinaganan ni Sarmento si Bacolor at doon na kinagat ng huli sa daliri ang una.
Dinala sa barangay ang dalawa at nagkaayos din.