Advertisers
IPINAG-UTOS ni Philippine National Police Chief, General Guillermo Eleazar, ang masusing imbestigasyon sa pamamaril sa isang opisyal ng Department of Science and Technology (DOST) sa Koronadal City.
Nakilala ang biktima na si Engineer Normina Pahm, DOST 12 Assistant Regional Director, 52 anyos, nagtamo ng tama ng bala sa kanan balikat.
Sa report, 7:30 ng umaga nang maganap ang pamamaril sa Block 1, Mabini Street sa Barangay Zone 4 , Koronadal City.
Ang biktima, kasama ang dalawang kasamahan sa trabaho, ay naghihintay ng kanilang service vehicle na maghahatid sa kanilang opisina sa Brgy Saravia nang sumulpot ang salarin at pinaputukan ang biktima na tinamaan sa kanan balikat. Kaagad tumakas ang salarin sakay ng sasakyang naghihintay ‘di kalayuan sa pinangyarihan ng insidente.
Ang biktima ay kaagad dinala sa South Cotabato Provincial Hospital. Nasa ligtas na itong kalagayan ngayon.
Nagpapatuloy pa ang imbestigasyon ng pulisya sa krimen. (Mark Obleada)