Advertisers
ILOCOS SUR- Nasa ospital ngayon at ginagamot ang dalawang lalaki nang pagbabarilin ng isa sa kanilang mga nakainuman sa isang birthday party sa Brgy. Sabuanan, Sta. Lucia ng lalawigang ito.
Kinilala ang mga biktima na sina Cesar Valdez y Espanto, 61, may asawa, karpintero; at Nelson Valdez y Daoa Sr, 49, may asawa, nagtratrabaho sa engineering office ng munisipyo ng Sta. Lucia, kapuwa residente ng Brgy. Sabuanan, Sta. Lucia.
Nakilala naman ang salarin na si Dhudie Cuenta y Visico, may asawa, miyembro ng MDRRMO ng Sta. Lucia, kalugar ng mga biktima.
Sa inisyal na imbestigasyon, si Visico at ang mga biktima masayang nag-iinuman sa isang birthday party sa kanilang lugar nang bigla silang magkaroon ng mainit na pagtatalo.
Nabatid na sa gitna ng kanilang pagtatalo bigla na lang naglabas ng baril si Visico at makailang beses na binaril ang mga biktima.
Agad na isinugod ang mga biktima sa St. Martin De Porres Hospital sa Candon City, Ilocos Sur matapos ang insidente samantalang agad namang tumakas si Visico.
Patuloy ang isinasagawang hot pursuit operation ng Sta. Lucia Police laban kay Visico.