Advertisers
Camp General Miguel Malvar Batangas City – Pito katao ang dinukot sa magkahiwalay na lugar sa mga bayan ng Laurel at Lemery sa Batangas nitong nakalipas na Biyernes.
Dumulog sa tanggapan ng Police Anti- Crime (PAC) ng Laurel Municipal Police Station sina Perly Lape at Ma. Jennelyn Bauya para ipaalam ang pagdukot sa kanilang anim na kaibigan, 5:30 ng umaga sa kahabaan ng Nasugbu-Tagaytay Highway, sakop ng Brgy. Dayap-Itaas, Laurel.
Ayon kina Lape at Bauya, patungo sila sa Tagaytay City sa Cavite nang harangin ang kanilang sinasakyang silver Mitsubishi Expander (NDJ-7289) ng apat na sasakyan na Sport Utility Vehicle (SUV) na hindi naplakahan sakay ang hindi bababa sa sampung mga hindi pa nakikilalang kidnappers na may mga bitbit mga matataas na kalibre ng baril at puwersahan silang pinababa, kasama ang anim na sina Eugene Noora, alyas “Shane” Despe, Mar Christian Ore, Paulino Sebastian, Carlo Fazon at Mark Neil Caraan.
Nakatakbo sina Lape at Bauya, kapwa residente sa Dasmarinas City, Cavite.
Ayon kay Police Capt. Errol Jordan Frejas, ang hepe ng pulisya nasabing bayan, tinitingnan nila ang anggulo ng pagkakasangkot ng dalawang biktima na sina Fazon at Noora sa alegasyon ng roberry extortion sa Cavite.
Dinukot din 8:15 ng umaga ng parehong araw si Kenneth Roger Jumawan, isang Graphic artist, sa Brgy. Malinis, Lemery.
Base sa salaysay ng kinakasama ng biktima na si Jennelyn Montenegro sa Lemery Municipal Police Station, bumibili ng ulam na fried chicken sa tapat ng kanyang pinagtatrabahoan ang si Jumawan nang hintoan ng mga hindi nakilalang mga tao na sakay ng puting kotse na hindi naplakahan at sapilitan isinakay ang biktima saka mabilis na umalis patungo sa direksyon ng bayan ng Agoncillo.
Pinag-aaralan pa ng pulisya kung may kinalaman sa utang sa sabong online at alegasyon ng kasong panggagahasa ang pagdukot sa biktima.
Samantala, inatasan na ni Batangas Police Provincial Director l, Col. Glicerio Cansilao, ang buong puwersa ng pulisya sa Batangas na agad magsagawa ng follow up operation at hanapin ang mga biktima at posibleng mga kidnapper. (Koi Laura)