Advertisers
PATAY sa pamamaril ang isang kagawad ng barangay sa bayan ng San Andres, Tablas island, Romblon, Sabado ng tanghali.
Ang biktima ay nakilalang si Jolly dela Cruz Modesto, 38 anyos, kagawad ng Barangay Victoria, San Andres.
Sa imbestigasyon ng mga kagawad ng San Andres Municipal Police Station, nasa Sitio Binoog, Bgy. Victoria, si Modesto kasama ang isang Marvin Mangao at habang nagsasako ng kopra ang biktima nang umalingawngaw ang isang putok mula sa kung saan at natumba ang bgy. kagawad.
Nagtamo ng tama ng bala ng baril na ‘di pa batid ang kalibre sa kanang bahagi ng ulo ang biktima. Hindi na ito umabot ng buhay sa San Andres Municipal Hospital.
Naaresto ng pulisya ang salarin na nakilalang si Manuel Mangao, 40, ka-barangay din ng biktima.
Si Manuel ay positibong kinilala ng testigong si Marvin na ang una ang bumaril sa kagawad.
Ayon kay Marvin, kamakailan lang ay narinig nya mismo na sinabi ni Manuel na papatayin niya si Modesto.
Nakapiit na ang salarin sa San Andres MPS.