Advertisers
ISA ang nasawi at 52 ang nasagip ng mga tauhan ng Philippine Coast Guard (PCG) sa tumaob na motorbanca sa Gato at Garrasa islands sa Daanbantayan, Cebu.
Nakatanggap ng ulat ang PCG Sub-Station Daanbantayan mula sa Mercury motorbanca hinggil sa trahedya kungsaan sakay nito ang 46 pasahero at 7 crews.
Agad namang rumesponde ang PCG Sub-Station Malapascua, at PCG Sub-Station Daanbantayan sa baybayin upang sagipin ang mga pasahero.
Nagmula ang motorbanca sa Barangay Poblacion, Daanbantayan patungong Carnasa Island at umalis nang walang PCG clearance.
Sa kanilang paglalakbay sa bisinidad ng katubigang Gato Island, naging masama ang lagay ng dagat kung saan pinasukan ng tubig ang harapan bahagi ng motorbanca dahil sa malalaking alon na nagresulta para ito ay tumaob.
Tatlo naman rito ang sugatan at isinugod sa Daanbantayan District Hospital para mabigyan ng atensyong medikal.
Ang natitirang 49 pasahero ay dinala sa Municipal Disaster Risk Reduction Management Office (MDRRMO) Evacuation Center para sa kaukulan pang tulong.
Ang isang babaeng senior citizen na namatay agad ay dinala sa Maya Port. (Jocelyn Domenden)