Advertisers
CLASSIFIED na bilang low risk sa COVID-19 ang lahat ng local government units (LGUs) sa National Capital Region (NCR), ayon sa OCTA Research Group nitong Lunes.
Batay sa datos na inilabas ng OCTA, sa lahat ng 17 LGUs sa NCR, ang Navotas City ang klasipikado na bilang ‘very low risk’ sa coronavirus habang ang iba pa ay pawang low risk na.
“NCR and all its 17 LGUs are now classified as low risk, using metrics based on covidactnow.org. Navotas in particular is classified as very low risk, given that all its indicators (including ADAR) are low,” pahayag ni OCTA Research fellow Dr. Guido David sa isang Twitter post.
Sinabi ni David na mula Oktubre 25 hanggang 31, ang average daily attack rate (ADAR) o ang bilang ng mga kaso kada 100,000 ay bumaba na sa 5.72 mula sa dating 6.36 noong Oktubre 19 hanggang 25.
Ang naitatalang mga bagong COVID-19 cases ay nasa average na 810 mula sa dating 901.
Samantala, ang reproduction number, o yaong bilang ng mga tao na maaaring ihawa ng isang pasyente ng COVID-19 ay bahagyang tumaas sa 0.53 mula sa dating 0.49 noong Oktubre 25.
Ang one-week growth rate naman sa rehiyon ay nasa -14% mula sa dating -36%.
Ang positivity rate ay bumagsak sa 5% mula sa dating 6%.
Hanggang nitong Oktubre 30, ang healthcare utilization rate ay nasa 30% habang ang intensive care unit utilization rate ay nasa 39%.
Anang OCTA, ang mga naturang datos ay nagpapakita na ang lahat ng LGUs sa Metro Manila ay nananatiling nasa downward trend.
Ang datos ay nakuha ng OCTA mula sa DataDrop ng DOH at gamit ang metrics base sa covidactnow.org. (Andi Garcia)