Advertisers
UMAPELA ang grupong Citizens Movement Against Corruption, Crime, Illegal Drugs and Gambling,Inc. sa pamumuno ni Prof.Salvador de Guzman kay Quezon Gov. Danilo Suarez na huwag makialam sa pagdinig sa mga kasong kidnapping and serious illegal detention with rape and child abuse na isinampa ng isang kasambahay sa isang konsehal at mayoralty candidate sa bayan ng Lopez, Quezon.
Ayon kay Prop. Val Guevarra, spokesperson ng nasabing anti-crime group, hindi dapat pakialaman ni Suarez ang kaso ni Lopez Municipal Councilor Arkie Yulde na kaalyado niya sa pulitika dahil ang nagsampa ng kaso ay isang kasambahay lamang na tinutulungan ng kanilang grupo na makamit ang hustisya.
“Alam namin na si Governor Suarez ang nagbibigay ng suporta at proteksyon kay Yulde, kaya umaapela ang grupo namin na dumistansya siya at huwag nitong gamitin ang koneksyon niya sa pulitika at pera niya upang makaligtas ang alaga niya” pahayag ni Guevarra.
Naniniwala si Guevarra na makakamit ng biktima ang hustisya at siguradong igagawad ito ng korte kapag titigil si Suarez na pakialaman ang kaso.
Si Yulde ay kandidatong mayor sa bayan ng Lopez sa ilalim ng Lakas CMD party subalit wala naman siyang katiket na mga kandidatong konsehal at vice mayor.
Ang kaso ni Yulde ay pending for trial ngayon sa Regional Trial Court branch 53 sa Rosales, Pangasinan na kung saan isinagawa ang arraignment ng kaso noong Oktobre 27.
Kaugnay nito, inihayag ng grupo ni de Guzman ang kanilang pasasalamat kay Judge Roselyn Andrada-Borja dahil kaagad niyang inaksyonan ang paglilipat ng kulungan kay Yulde mula sa detention jail ng Criminal Investigation and Detections Group sa Quezon province papunta sa Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) ng Balungao, Pangasinan.
Naantala ang paglilipat ng CIDG kay Yulde dahil nagsampa siya ng writ of habeas corpus sa korte ng Lucena City na walang nangyari dahil ibinasura ng judge ang nasabing petisyon.
Bago ganapin ang arraignment sa kaso ni Yulde ay ibinasura noong Oktubre 26, ni Judge Borja ang motion to quash the information na inihain ng mga abogado nitong sina Atty. Teodorico Galapate at Atty. Joshua Viray dahil walang merito ang kanilang rason para ipawalang bisa ang rekomendasyon ni Assistant Provincial Prosecutor Ramil Lopez na nakabase sa bayan ng Rosales sa kaso nito.
Ayon sa isinumiteng sinumpaang salaysay ng biktimang si Ana, siya ay puwersahang dinukot, ikinulong at paulit-ulit na ginahasa ni Yulde sa loob ng isang hotel sa Rosales, Pangasinan mula Abril 17 hanggang Abril 22 ng taong kasalukuyan.