Advertisers
SIMULA na bukas, Nobyembre 3, ang pagbibigay ng driver’s license na mayroong 10-taon na validity para sa mga aplikante na walang violations sa National Capital Region, ayon sa Land Transportation Office (LTO).
Sinabi ni LTO chief Assistant Secretary Edgar Galvante sa Laging Handa briefing nitong Martes, noong Oktubre 28 pa unang sinimulan ang inisyatibang ito pero sa kanilang Central Office-Licensing Section at Quezon City Licensing Center pa lamang.
Ayon kay Galvante, wala pa namang naitatalang “major hit” sa implementasyon ng programang ito.
Para makakuha ng 10-year license validity, kailangan na walang violations ang isang aplikante at dapat sumailalim din sa refresher seminar bukod pa sa kailangan din itong pumasa sa validating exam.
Ang mga indibidwal na hindi makakapunta sa opisina ng LTO para sa seminar, maari naman silang magtungo lamang sa portal ng ahensya para sa modules.
Samantala, ang mga aplikante na mayroong recorded na violation ay kailangan ding sumailalim sa kaparehong proseso pero bibigyan lamang ng limang-taon na license validity.
Sa kabilang dako, nilinaw ni Galvante na ang mga indibidwal na hindi pa naman nakatakdang mapaso ang kanilang mga lisensya ay hindi naman kailangan pang mag-apply para sa 10-year license validity.