Advertisers
ARESTADO ang isang illegal recruiter matapos hingan ng P600,000 ang isang nurse upang makapagtrabaho ito sa ibang bansa.
Kinilala ang recruiter na si Ryan Dexter John Lagmay alyas Gibson Muanjit, 44 anyos, ng Barangay Dibalio, Claveria, Cagayan.
Inaresto si Lagmay sa kanilang tahanan sa bisa ng isang warrant of arrest na inilabas ni Presiding Judge Jorge Manaois Jr. ng Regional Trial Court First Judicial Region, Branch 10, La Trinidad, Benguet sa kasong “Illegal Recruitment Committed by Syndicate” o paglabag sa Republic Act 8042.
Nag-ugat ang kaso nang ireklamo ito ng nurse na si Jeremiah Samdao, taga-La Trinidad, Benguet nang hingan ng P664,387.00 kapalit ng alok na trabahong nursing aide sa Quiron, Barcelona, Spain.
Mula Nobyembre 4, 2020 hanggang Mayo 12, 2021, hiningi aniya ng suspek ang salaping kumakatawan sa kanyang mga gastusin, katulad ng medical fees, visas fee, broker fee, embassy fee, training at plane tickets.
“Lima ang mga iyan, na nambiktima, nahuli na iyong isa sa La Union, kaya tatlo pa sa kasamahan nila ang pinaghahanap na may warrant of arrest. Naganap ang transaksyon ng mga iyan sa Baguio City,” pahayag ni Lt. Col. Andree Abella, tagapagsalita ng Police Regional Office-Region 2.
Walang permiso si Lagmay sa Philippine Overseas Employment Administration (POEA) upang mag-recruit ng mga aplikante na magtatrabaho sa ibang bansa.
Walang inirekomendang piyansa ang korte para sa pansamantalang kalayaan ni Lagmay.