Advertisers
AKSIDENTENG nabaril ng isang police gerenal ang kanyang sarili habang naghahanda sa firing range sa Quezon City Linggo ng umaga.
Kinilala ang biktima na si Major General Rolando Hinanay, hepe ng Directorate for Personnel Records and Management (DPRM) sa Camp Crame.
Sa ulat, nangyari ang aksidente sa Quezon City Police District (QCPD) firing range sa Camp Karingal.
Ayon sa report ni Police Captain Eric Aliño, ang Range Master sa QCPD Firing Range, nangyari ang insidente 10:45 ng umaga nitong Linggo.
Batay sa report ng QCPD, habang inaasistehan ng Range Assistant na si Ronnel Alcones, binunot na ni Gen. Hinanay ang kaniyang 9mm pistol at sinisilip na ang kaniyang target.
Nang ibinalik ang kaniyang baril sa holster, pumutok ito at tinamaan ang kaniyang kanang hita. Agad siyang isinugod sa St Luke’s Medical Center ng mga tauhan ng District Medical and Dental Team.
Si Gen. Hinanay ay unang nag-abiso sa QCPD para sa schedule nilang pumutok nitong Linggo kasama ang kaniyang pamilya kasabay ng birthday ng kaniyang anak para sana sa Proficiency Practice.
Dahil sa aksidente, hindi na nagtagal sa firing range ang pamilya ng heneral.